Ryan Magtibay
Sa liblib na lugar sa pisay. Alam mo yun. Yung nasa gilid ng ASTB. Yung kalsadang katabi ng creek. Do’n. Kung sa’n makikita mo ang kulay rosas na pader ng Office of the Ombudsman. Kung sa’n tahimik at mahangin. Kung sa’n minsan mabaho dahil sa creek. Kung sa’n bumabaha ng todo ‘pag umuulan. Kung sa’n mga sasakyan lang na dumaraan ang kalaban mo sa pagiging isa. Kung sa’n paborito ng ilang mag-MU na maglakad. Do’n.
Sila kasi eh. Parang di ako tao na may pakiramdam. Parang hindi ako masasaktan sa kung ano man ang sasabihin nila. Maramdamin ako. Di ko lang pinapakita. Kasi kung ipapakita ko, aba, e baka mawindang sila. Iba yata magalit ‘to! Di lang nila alam. Ayoko rin na malaman nila. Ang pangit naman kasi kung marami kang kaaway. Dito pa naman sa pisay, kelangan mo ng tulong ng ibang tao. Di ka mabubuhay ng walang masasandalan paminsan-minsan. Kelangan mo ng mahihingan ng tulong. Lalo na’t tinedyer ka na. Eto ang bahagi ng buhay mo kung sa’n kailangan hubugin mo na ang iyong sarili – kung sa’n dapat malaman mo na kung sino ka ba talaga. Kasi kung hindi, malulunod ka sa dami ng tanong na walang kasagutan.
Minsan, may nakapagsabi sa akin na para magawa mong mabigyan ng halaga ang sarili mo, – makilala ang sarili mo – dapat makawala ka sa sarili mong kulungan. Dapat maging malaya ka. Dapat kapag humarap ka sa salamin, tanggap mo ang bawat parte ng kung ano ang makikita mo. Kapag kasi nagawa mo yun, tsaka mo lang mararanasan ang kung paano ang lumigaya – nang walang halong inggit sa iba dahil meron sila ng wala ka.
Pero siyempre, bilanggo pa rin ako sa sarili kong mga rehas. Kahit ilang ulit ko na kasing sinubukang hanapin ang susi na magpapalaya sa akin, wala pa rin. Kaya ayan. Heto ako. Nasaktan sa masasamang salita na nagmula sa kapwa ko tao. Kahit masyadong mababaw ang mga salitang yo’n, malalim ang naging sugat sa pagkatao ko.
Kaya heto, tumatakbo na naman ako papunta sa liblib na lugar na ‘to sa Pisay. Para magpatulo ng luha. Para ilabas sa hangin ang nararamdaman. Para ibuhos ang galit sa mga punong hindi gumagalaw. Para hingan ng sagot ang mga dahong pumagaspas sa simoy ng hanging nagdadaan. Para huminga. Para makalimot.
Pagdating ko do’n ay tumingin ako sa paligid. May isang van na nakaparada sa gilid ng kalsada na malapit sa creek. Walang sticker ng Pisay. Baka hindi taga-rito. May inaayos kasing programa do’n sa may gym. Baka sasakyan ng mga technician. Wala namang tao sa loob. Kaya, sa madaling salita, walang tao sa paligid. Ayos. Umupo ako sa may bangketa at yumuko. Grabe. Halos maiyak na ako. Pero pinipigilan ko pa. Ayokong mamula ang mga mata ko. Baka mahalata pa nila na umiyak nga talaga ako. Kaya tumingala na lang ako. Para kahit papaano mapigil ang mga luhang gusto nang pumatak. Hay. Ano bang buhay ‘to.
Sa pagtingala kong ito ko nakita, ang ganda pala ng langit. Naalala ko tuloy ang bakasyon namin sa Baguio nung nakaraang taon. Napakasaya no’n. Di ko alam kung bakit ko naalala, pero napangiti ako nito. Parang isang joke na hindi naman nakakatawa pero mapapangiti ka sa sobrang kakornihan. Gano’n. Nakakatuwa. Naalala ko tuloy yung kaklase ko na nadapa tapos biglang tumayo sabay kaway. Nakakatawa yo’n! Tawa nga nang tawa kaming magakakaklase eh. Natatawa tuloy ulit ako. Hindi ko kasi makalimutan kung paano sumakit ang tiyan ko no’n. Nakakatawa talaga. Parang yung biruan namin barkada sa caf. At tsaka parang yung pagakakataon na naipasa ko ang aking mahabang pagsusulit sa araling panlipunan kahit puro letrang E lang ang sagot ko. Tapos halos lahat ng kaklase ko bumagsak sa pagsusulit na yo’n. Naaalala ko pa ang nakakatawa nilang mga mukha na hindi makapaniwala sa mga nangyayari. Nakakatuwa yo’n. Nakakatawa. Nakakangiti.
Matagal na rin pala ako dito. Maraming beses na rin ako napangiti ng lugar na ‘to. Maraming beses napaiyak. At maraming beses na din ako nitong pinatahan. Parang ngayon. Kanina lang umiiyak ako, pero parang pinipilit niya na maalala ng utak ko ang mga bagay na makapagpapasaya sa akin para mapawi ang lungkot ko.
Siguro hindi talaga ako nakakakulong. Siguro matagal na akong nakalaya, pero hindi ko lang nakikita – hindi ko lang pinapansin. Kasi kung tutuusin, marami nang maliligayang sandali na nangyari sa buhay ko. At kung titingnan ko ang mga iyon, hindi naman talaga ako masyadong malungkot. Maraming binigay ang Diyos sa akin. Kailangan ko lang pansinin ang mga iyon.
Bukas, iibahin ko na ako. Pangako yan. Bukas, mas bibigyan ko na ng pansin ang mga magagandang bagay sa buhay ko. Bukas, pahahalagahan ko na ang buhay na ipinahiram lang sa akin ng Diyos. Bukas.
Tumindig na ako dala ang ngayo’y isang ngiti. Marami nang magbabago sa buhay ko bukas. At magsisimula iyon sa akin. Nagsimula na akong maglakad paalis sa liblib na lugar na ‘yon sa pisay.
Sabi nila nakagapang pa raw ako. Kadiri naman. Sana ay hindi naging pula ang daan dahil sa ginawa kong paggapang. Ang pangit naman siguro kung parang kinulayan ko pa yung daanan ng mga kotse para lang makagapang. Ngayong mga sandaling ito marahil, maraming tao sa liblib na lugar sa pisay dahil sa nangyari sa akin. Nagkakagulo siguro sila. Wala kayang klase dahil sa akin? Naku, kailangan magpasalamat ng mga kaklase ko sa akin n’yan.
Pero naisip ko, baka mas maging liblib pa ang lugar na ito pagkatapos ng araw na ‘to dahil sa nangyari sa akin. Baka kasi isipin pa nila, magmumulto ako do’n. Hindi siguro.
Sayang. Isang bukas lang ang kailangan ko eh. Magbabago na sana ako. Pero hindi na ‘yon dumating. Hindi ko na nasilayan ang bukas. Yung van kasi eh.