5.23.2005

Ang pangpitumpu't-isang artikulo

Ryan Magtibay

Kanina, naisip ko na gusto kong kolektahin ang mga pinagsususulat ko, kahit gaano kababaw, kahit gaano kawalang-kwenta. Naisip ko kasi, ang mga ito lang ang patunay na may ginagawa akong makabuluhan ditto sa mundo. Hindi man ito nakagagawa ng mga himala, o nakaktulong sa isang tao, kahit papaano naipaparating ko naman ang mga gusto kong sabihin sa pamamagitan ng mga artikulong sinulat ko. Kahit papano, pagtanda ko, kung sakaling tatanungin ako ng mga apo ko kung may nagawa ba akong makabuluhan sa buhay ko, masasagot ko sila ng: "Anak, nagsulat ako."

Nakakatawa no? Pero kasi kung tutuusin, dito na lang naman talaga ako may maiaambag sa mundong ‘to. Di naman kasi ako magaling sa larangan ng sports kaya hindi ako pwedeng maging kinatawan n gating bansa para sa mga pandaigdigang paligsahan. At bilang isang taong wala masyadong alam sa larangan ng musika, wala rin akong maiaambag dito. Kung tutuusin ang pagsusulat ang tanging bagay na hindi ko sinukuan, masusing pinag-aralan, at patuloy na ginagawa. Kaya kahit papaano, pwede kong isigaw sa buong mundo na: "Hoy! Nagsusulat ako!"

Di tulad ng iba ko pang mga artikulo, wala naman talaga akong gusto iparating. Gusto ko lang ipagdiwang ang hindi ko pagsuko sa isang bagay. Gusto kong ipagdiwang ang aking patuloy na pagsusulat para maipahiwatig ang gusto kong maipahiwatig. Gusto kong ipagdiwang ang hindi ko pagtigil sa pagsusulat. Pagsusulat na rin kasi ang naging daan para mailabas ko ang kung anuman ang gusto kong sabihin. Pagsusulat na rin ang naging daan para mas maintindihan ko ang aking kapaligiran. Ito na ang aking libangan at ang aking ikalawang puso at utak. Kaya para sa aking pangpitumpu’t-isang artikulo, buong puso kong ipinagmamalaki: “Isa akong manunulat. Di man masyadong magaling, kahit papaano, nagsusulat pa rin.”

"Joseph, writing is a skill. Natututunan yan. Basta gusto mo." ---> my sister

5.16.2005

Fast Forward

Ryan Magtibay

I am now officially dumbfounded by my parents’ attitude nowadays. It seems as if I don’t know them. Back when I was a kid, I would always be precise and accurate at predicting their actions. But now, I have absolutely no idea. Makes me wonder, are we, their kids, the ones who are changing or is it them who are having a lot of trouble catching up with us?

May teorya kasi ako nung bata pa ako na kung kami ay nag-aadjust sa mga magulang namin habang lumalaki kami, sila din nag-aadjust. Siyempre sanay sila na palagi kaming nakasandal sa kanila at hindi alam kung ano ang tama at mali at kung ano ba talaga ang gusto sa buhay. Pero ngayong malaki na tayo, at gusto na nating makatayo, kahit papano, sa sarili nating mga paa, kelangan din nilang mag-adjust sa atin. Nag-iba na kasi tayo ng personalidad, mula sa pagiging isang bata patungo sa isang pagiging matanda, at nagsisimula nang maghubog ng sariling pagkatao. Kung dati hindi tayo natutulog sa ibang bahay ng hindi sila kasama, ngayon ay nagpapaalam na tayo para makadayo at magpalipas ng gabi sa ibang bahay. Kaya kung madalas hindi nila alam kung papayagan ka ba o hindi, normal lang. Kasi nag-aadjust din sila sa paglaki mo.

I also believed in the fact that parents spank-you-because-they-love-you theory when I was a kid. It’s that fact that whatever thing your parents are doing, it’s for your own sake. And that includes spanking and sermons.

Ngayon, ewan ko na. Parang lumabo nang lumabo yung parehong teorya eh. Kaya hindi ko na talaga alam kung maniniwala pa ako o hindi na. Ang gulo-gulo na kasi eh. Ngayon, nagagalit na lang sila over anything. Kahit sobrang babaw nagagawan nila ng paraan para mapagalitan ka. Ang malas ng may matatalinong mga magulang kasi mahirap makalusot. At minsan, parang hindi ka na nila tinatanong kung gusto mo pa ba ang isang bagay o hindi. Sa katunayan, tatanungin ka naman nila. Pero ang tanong ay halatang biased. At tatanungin ka rin nila ng tatanungin hanggang sa makuha ang sagot na gusto nila. Kung hindi naman nila ito makukuha sa pangungulit, gagamitin naman nila ang iba’t-ibang threats at ang i-am-so-very-disappointed-with-you look. Kaya mahirap na rin malaman kung para pa ba sa kapakanan mo iyon o hindi.

Naguguluhan na talaga ako sa kanila. Minsan naiinis na rin. Hindi ka naman kasi pwedeng magpaliwanag dahil "pag-sagot" yun, na isa ring napakasamang bagay. Minsan sinusukuan ko na lang sila. Kung ano pa man yun, susuko na lang ako sa gusto nila. Kasi, para namang may iba pa akong options. Isa pa, sa mata ng Diyos at sa mata ng tao, sila ang gumawa sa'yo at nagpapakahirap para iluklok ka sa kinatatayuan mo ngayon. "Wala ka dito kundi dahil sa amin" ika nga. Kaya bilang pagtanaw ng loob sa paggawa sa'yo, kailangang magkaroon ng respeto.

Either way, I still can’t understand them. And sometimes, I just don’t want to.

Dahil kung may teorya man akong paniniwalaan ngayon, yun ay ang :

"We can’t really understand parents, unless we are already one."

Sa Pagtakbo sa Isang Daang tinawag na buhay

Ryan Magtibay


"When he told me that the place makes him sad because he was ONCE one of these people, I wanted to tell him: 'you know, this place makes me sad too because I NEVER was one of these people.'"

Nagtatalo kami ng kuya ko noon nang sabihin niya sa akin na: "Alam mo, dapat kasi wala na lang mahirap o mayaman. Hindi ba pwedeng lahat na lang ng tao taga-middle class?"

Ang sagot ko sa kanya? Hindi. Imposible naman kasi yun eh. Ang buhay ay parang isang paligsahan sa pagtakbo. Imposibleng walang mauuna. Imposibleng walang mahuhuli. Kahit milliseconds lang ang pagitan ng isang manlalaro sa isa pa, may nauna pa rin at may nahuli. Kaya sa pagtakbo natin sa daang tinawag na buhay, may mauuna at may mahuhuli pa rin, imposibleng lahat ay sabay-sabay; imposibleng lahat ay mapabilang sa isang class lamang dahil palaging may makalalamang at may malalamangan.

Hindi naman mayaman ang pamilyang kinabibilangan ko. Wala kaming grandiyoso at naglalakihang mga bahay. Nakatira lang kami sa isang paupahang bahay na sa tiyansa naming ay malapit nang bumagsak at magiba dahil sa dami ng anay. Wala rin kaming mga magaganda at malalaking kotse. Mayroon lamang kaming isang maliit na Daihatsu van na second-hand at 1990’s model pa. Saktong-sakto lang rin ‘yon para sa buong pamilya. Pero hindi ko rin sasabihin na mahirap kami. Nakakakain naman kasi kami ng tatlong beses isang araw, araw-araw. At nagagawa rin naman naming kasing makabili ng hindi lang ang mga kailangan namin, kundi ang mga gusto din namin. Kami yung mga taong ika nga nila eh katamtaman lang ang tayo sa buhay; hindi nauuna at hindi rin nahuhuli.

Sa paglago ng teknolohiya ng mundo, marami-rami na ring naimbento ang tao na magpapadali ng kanyang buhay. Pero hindi rin natin maikakaila na ang mga bagay na ito ay matatamasa lamang ng mga mayayaman. Kaya kapag nasa paligid ka ng mga taong may kakayahang makabili ng mga bagay na ito, di mo rin maiwasang mainggit; di mo rin maiwasang mangarap na sana, ikaw rin ay katulad nila na nakakatamasa ng mga bagay na ganon.

Sa katunayan, ayoko nang naiinggit. Bakit? Kasi kung tutuusin, wala naman tayong dahilan o kahit ang karapatan para mainggit sa ibang tao. Madalas kasi pakiramdam natin na mas magiging maganda ang buhay natin kung meron tayo ng kung anong meron ang iba. Pero sa totoo lang, hindi naman eh. Kasi, madalas, may ibang tao na ang pakiramdam ay mas magiging maganda ang kanilang buhay kung meron sila ng kung ano ang meron tayo.

Naisip ko lang, marami sigurong mga taga-squatter's area at lugmok sa kahirapan at pagdurusa ang matutuwa kung makukuha nila ang buhay na meron ako. Marahil pa nga na ang turing nila sa buhay ko ay buhay ng isang hari. Dahil kung ikukumpara mo sa buhay na meron sila, hindi nga maikakaila na mas kaunti ang problema mo kaysa sa kanila.

Tapos gusto mo pa ng buhay ng iba dahil pakiramdam mo lang na hindi maganda ang buhay mo.

Siguro dapat na mas pinahahalagahan natin ang kung ano ang meron tayo. Kasi madalas na wala ang iba niyan.

Kaya kung iniisip mo na marami ka nang hindi natatamasa sa buhay mo dahil lang hindi mo ma-afford ang mga ito, puwes mali ka. Dahil mas maraming ipinagkait sa mga taong mas mababa ang antas ng kabuhayan kaysa sa iyo. At least nga ikaw ang problema mo lang ay hindi mo makayang makabili ng isang i-pod. Kasi yung iba nga diyan, hindi man lang makayang makabili ng makakain para sa isang araw.

Kaya kung naiinggit ka sa iba, isipin mo na lang na kahit papaano dito sa paligsahan sa pagtakbo sa isang daan na tinwag nilang buhay, kahit hindi ikaw ang nauuna, hindi rin naman ikaw ang nahuhuli.

5.14.2005

Wala ka sa nanay ko!

long overdue tribute for mother's day.. haha..

Wala ka sa nanay ko!
Ryan Magtibay

"Mammals tend to seek quality over quantity when giving birth."

Nung sinabi ito sa amin ng teacher ko sa biology, ang unang tanong na pumasok sa isip ko ay bakit? Ayon sa aking guro, simple lang. Kung marami kang anak, pero wala naman sa kanila ang mabubuhay ng matagal e di para saan pa na ipinanganak mo sila sa mundong ‘to? Kumbaga noong mga pnahon na nagsisimula pa lang mabuo ang mundo at patuloy ang evolution ng iba’t-ibang hayop, mas mabuti na talaga yung isa lang ang anak pero sigurado na mabubuhay siya ng matagal at magagawa niyang magkaanak. Mas mabisa yung panlaban sa extinction.

Ang mga tao ay mammals. Ngunit taliwas sa isinasaad sa itaas, marami sa mga kabataan ngayon ang halos wala na talagang kinabukasan. Maraming bata ang palabuy-laboy at pakalat-kalat sa kalye para mamalimos. Maraming tambay sa kanto na hindi man lang marunong bumasa o kaya’y magsulat; walang man lang edukasyon na kahit papaano sana ay makapagsasalba sa kanila sa kahirapan.

Kung tutuusin, tumataliwas pa nga ang ibang tao sa prinsipyong “quality over quantity” ng mammals. Marami sa atin, madalas ay ang mga taong lugmok sa kahirapan, ang mas gusto pa na magkaroon ng maraming anak pero hindi naman inaaalagaan ang mga ito. Mayroon pa ngang ibang tao na sampu ang anak pero wala naman kahit isa sa mga ito ang may siguradong kinabukasan dahil sa kakulangan sa nutrisyon at edukasyon. Marahil, sa mga nakararaming ito naiba ang aking ina. Dahil noong humihiling ang iba na sana yumaman sila, hinihiling niya na sana ay magkaroon ng magandang edukasyon ang kanyang mga anak.

Tandang-tanda ko pa noon nang mapaluhod ako sa asin ng aking ina noong bata pa ako. At iyon ay dahil sa hindi ko nasaulo ang ba-be-bi-bo-bu na pinapasaulo niya sa akin. Ganun kasi siya kahigpit pagdating sa pag-aaral namin. Bawal na bawal ang bumagsak noon at dapat ang grade mo pa para ma-very good ka ay 90% pataas. Marami-rami ring naimbentong parusa ang nanay ko noon. Nandyan ang habulin niya kami hanggang sa ilalim ng la mesa, ang paglipad papunta sa amin ng kung anu-anong nadadampot niya, ang paluhurin kami sa asin habang may libro sa mga kamay namin, at ang pinakamatinding parusa na pagpapalabas sa amin sa labas ng bahay tuwing hattinggabi.

Pero kung may parusa, mayroon ding mga gantimpala. At galante ang aking ina sa mga ito. Basta mataas ang grades mo, may gantimpala ka. Madalas kumakain ang buong pamilya sa isang mamahalin na restaurant noon, bilang gantimpala sa kung sinuman ang may matataas na grades. Binibilhan niya pa kami ng kung ano ang gusto namin noon.

Kaya ayan, dahil sa mga ganitmpalang ito at sa mga parusa na rin, dumating ang araw na ang pangalan naming apat na magkakapatid ay nakapaskil sa bulletin board ng aming iskuwelahan (iisa lamang ang iskuwelahan naming apat noong elementarya) bilang kasali sa honor roll. Dumating ang puntong madalas na kung umakyat sa entablado ang aking mga magulang, lalu na ang aking ina, para magsabit ng medalya sa isa sa aming apat.

Noong bata pa ako, natural lang na hindi ko talaga naiintindihan ang masyadong pagiging mahigpit ng aking ina. At dahil wala naman talaga akong magawa, nag-aaral na lang ako ng mabuti katulad ng sabi ng aking ina. Ngayon ko na lang, marahil, naipagtanto kung ano nga ba talaga ang halaga ng pagiging mahigpit ng aking ina sa aming magakakapatid noon at sa kung bakit siya nagiging mahigpit sa amin. Kasi pangarap niya iyon. Pangarap niya na mabigyan kami ng magandang edukasyon – na balang araw magiging karapat-dapat kaming magkakapatid bilang isang iskolar.

Sa kasalukuyan, ang aking nakatatandang kapatid na babae ay nag-aaral sa Unibersidad ng Pilipinas para sa kursong BS Industrial Engineering. Isa rin siya ngayong iskolar ng Department of Science and Technology at nakapagtapos din bilang isang iskolar sa Quezon City Science High School. Ang aking nakatatandang kapatid na lalaki naman ay katatapos lamang ng high school sa Quezon City Science High School ngayong taon at natanggap bilang isang iskolar ng Department of Science and Technology at ng SM Foundation para sa kolehiyo. Ang aking nakababatang kapatid naman na babae ay katatapos lamang ng elementary at natanggap bilang iskolar sa Quezon City Science High School. Samantala, ako naman ay nasa ikatlong taon na sa high school sa darating na pasukan bilang isa ring iskolar sa Philippine Science High School.

Sa pamamagitan ng aming pagiging mga iskolar, nabibigyan namin ng karangalan ang aming mga magulang at natutulungan pa namin sila sa mga gastos dahil sa wala na silang kailangan pang bayaran na tuition. Kung tutuusin, nagawa na ng aking ina ang kanyang matagal nang pinakamimithi; ang kanyang pangarap. Pero hindi pa rin siya tumitigil sa pagtatrabaho (lalu na ngayong nawalan ng trabaho ang aking ama) para maibigay lang ang aming mga pangangailangan. Sabi kasi niya wala na daw silang maipapamana sa amin kundi ang mabigyan kami ng magandang edukasyon. Kaya ayan, lahat kaming magkakapatid ngayon ay masayang nakapag-aaral sa mga iskuwelahang de kalidad ng libre. At lahat ng ito ay dahil sa isang tao na pilit kaming tinutukan at hinigpitan para lang mag-aral. Ngayon ko napagtanto na ang lahat ng iyon – ang mga gantimpala at kaparusahan – ay para sa amin, para sa aming pagtanda ay magkakaroon kami ng isang magandang buhay.

Di niya lang alam, di lang namin sinasabi, na lubusan ang pasasalamat namin sa kanya para sa lahat ng paghihirap niya. Na sa bawat luha mula sa kanyang mga mata ay karamay niya kami. Na sa bawat iyak na inilalabas ng kanyang mga bibig ay kasabay niya rin kaming umiiyak. Na mahal na mahal namin siya. Kasi ginawa niya ang prinsipyong sinabi sa itaas. Kahanga-hanga niyang nagawa ang kanyang mga tungkulin bilang isang ina. Kasi habang nasisira ang kinabukasan ng ibang kabataan, ang sa amin ay nagsisimula nang mamunga.
Siguro nga ay hindi nakakalipad ang nanay ko. Marahil ay hindi pa siya nakakasagip ng buhay ng ibang tao. Marahil, ay hindi siya tulad ng ating mga bayani na nakapagsalba na ng isang buong bansa. Pero ang kadakilaan ay hindi nasusukat sa kung ilan ang nailigtas. Ang kadakilaan ay ang pagsasakripisyo ng halos lahat ng nasa iyo para lamang magampanan mo ang iyong tungkulin. At bilang ina, nagawa ‘yon ng nanay ko. Kaya kahit hindi siya isang Darna o isang Superwoman, bilib ako sa nanay ko. Para sa aming apat na magkakapatid, siya ay isang superhero. At ‘yon ay dahil dakila siyang tunay.

"Wala ka sa nanay ko! Iskolar kaming lahat dahil sa kanya!"

5.02.2005

MP3's!

i found two blogs (yes, hindi siya kazaa kaya mas safe siya.) wherein you can download LOTS of Mp3's for free.. pwede ka pa ngang magrequest eh. so sa lahat ng music lovers, its one hell of a cool blog. :p

here are the blogs:

(highly recommended. kaso sobrang bagal magload ng blog niya. pero worth it. kasi pwede kang makapagdownload ng isang buong album. rock-lover din yun may-ari.)
Enough to go by

(ang may ari nito, ballad-lover. most of the songs pa nga ay love songs.)
dg_pnai17