“Me quota ang pag-ibig. Sa bawat limang umiibig, isa lang ang magiging maligaya. Ang iba, iibig sa di sila iniibig. O iibig nang di natututo. O iibig sa wala. O di iibig kailanman… Pero merong isa sa lima, harangan man ng kulog, ng mga ganid, ng lindol at ng teknolohiya, mahahanap niya ang kanyang mahal. Siya lang ang magiging maligaya.”
Aamin ako. Nakalimutan ko na kung paano gumawa ng isang review – mapa film o book review man. Reviewer, pwede pa. Lalo na sa embryology (pero wag mo nang tangkain kasi babagsak ka pa rin naman lalu na kung Dr. Co ang Lab at Lec prof mo). Alam kong may handout si ma’am Jamasali na binigay samin nung Eng Jorun days at na nakatago yun sa kahon ko ng Pisay stuff pero nakakatamad talagang halungkatin. Isa pa, hindi naman to graded. At ginagawa ko lang to bilang pasasalamat.
Pasasalamat kay Mervyn kasi yung libro na “Para Kay B: O Kung Paano Dinevastate ng Pag-ibig ang 4 out of 5 Sa Atin”, ang unang nobela ng batikang scriptwriter na si Ricky Lee, yung pinili niya na iregalo sa akin mula sa aking wish list. Seryoso, gusto ko talaga ng bagong shirt. DALAWANG bagong shirt. Pero dahil yung libro yung pinili mo wala akong choice. At buti na lang kasi gusto talaga ng utak ko (gusto ng puso ko ng shirt! At green na sapatos!!) na libro ang makuha ko ngayong pasko kasi di tulad ni Cheska na nagpapakanerdo at basa nang basa ng kung anu-anong libro, tumigil na ko sa pagiging bibliophile (tama ba? Yan yung tawag sa book lover di ba? Pwede ring bibliophilic… hahahahaha). Kung anu mang dahilan, hindi ko na alam. Kaya salamat Mervyn. :)
At pasasalamat din kay Ricky Lee. Seryoso, nakalimutan ko na siya yung nagsulat ng “Si Tatang, Si Freddie…” na pinag-aralan naming short story sa Hum1 (sori Ma’am Joson!). ang alam ko lang, kilala ko yung pangalan niya. At tumatak sa isip ko ang bawat titik ng apelyido niya (kasi kailangan kong tandaan na iba siya kay Ricky Lo. Hahaha). Isang malaking salamat na kasing taas ng bahay namin (haha. Hindi pala masyadong mataas..) dahil binuhay mo ulit yung pagkahilig ko sa libro. At sa kwento. Pinaalala mo saking ang paggawa ng kwento nga pala ang FIRST LOVE ko.
(At na nagtataksil ako ngayon sa first love ko dahil Medicine ang kalive-in ko ngayon imbis na siya. Sori first love. Pramis, mas masaya ako sa piling mo.)
Ayokong simulan ang review na to (nagsisimula pa lang?! ang haba na nung na-type ko ah!) nang hindi ko isinasalba ang sarili ko. Kasi naman, title pa lang: “Para Kay B: O Kung Paano Dinevastate ng Pag-ibig ang 4 out of 5 Sa Atin” tunog cheesy na di ba?? At salungat iyan sa image ko! Hehe. Pero nakalimutan ko na rin talaga kung bakit ginusto kong basahin ang librong to. Siguro epekto ng James Morrison songs na pinarinig sakin ni Ricky. O kaya ni Kuya Jem, yung president naming sa YFC. O kaya dahil matagal na, matagal na matagal na, nung huli akong sumulat ng love story na galing sa puso. At matagal ko na ring ginugusto magsulat ulit.
Kung ano pa man, marahil ang pinakahinangaan ko sa librong ito ay yung teorya ng manunulat sa pag-ibig. Ipagkalandakan mo ba namang 1 out of 5 lang ang magiging masaya sa pag-ibig kung hindi mo ba naman makuha ang atensiyon ng sandamukal na tao. Marami pa namang emo ngayon. Kaya kung may unang dapat purihin, yun yun.
Nung una akala ko talaga makabagbag damdaming love story ang mababasa ko. Yung tipong pang telenovela yung effect sayo pero maganda yung plot at pagkakasulat. Yung tipo siya ng libro na iiyakan ni Dane at magugustuhan ng sobra ni Nico. Yung tipo na malayo sa personalidad ko. At umaasa pa ako noong sinimulan ko siyang basahin na ganun nga.
At pakiramdam ko yun yung maganda sa libro. Hindi ko sigurado kung magugustuhan siya ng lahat pero sigurado ako na lahat may mararamdaman. Masyadong magaling ang pagkakagawa sa kanya ni Ricky Lee na para siyang nagtatype ng katotohanan at tunay na buhay. At dun sa pagiging realistic niya, makakahanap ka ng isa o dalawang bagay na makakarelate ka o kaya’y ginusto o ginugusto mong makarelate ka.
Hindi. Hindi siya mababaw. Kasing lalim siya ng malamang na pinagmulan nung ideya ni Ricky Lee tungkol sa quota ng pag-ibig.
Story wise, matutuwa ka.
Sa bagsak ng salita at maingat na pagakakalagay ng ideya at konsepto sa mismong binabasa mo, hahanga ka. Alam mong hindi basta-basta ang sumusulat.
Sa paghabi ng mga ideyolohiyang pulitikal sa isang bonggang love story, hihilingin mong ikaw na lang nagsulat nito.
Kung ikaw rin yung taong katulad ko na mahilig sa kakaibang plots, sasamba ka.
Kung ikaw yung mahilig sa mga malalalim na characters na maganda ang pagkakadevelop, tatalon ang puso mo.
At kung hindi ka pa umiibig, dahil dito, gugustuhin mo. Kahit pa may quota.
“Somewhere in the city, a guy tells a girl I love you, and the girl answers back I love you too. Sigurado ba sila?”