Isinulat ni: Ryan Joseph P. Magtibay
Halos kasabay ng aking paggising ang pagkatok ng isang karterong nakarating sa aking bahay sakay ng isang motorsiklo. Ang dala-dala niya ang kaagad na sinalubong sa akin ng isa sa aking mga katulong sa pagbaba ko papunta sa silid ng hapag kainan upang mag-almusal.
“Ate, may sobre na dala yung kartero. Para sa inyo daw ho,” ang sambit nito sabay alis para ituloy ang kanyang pagpupunas sa isang istatwang hugis ibon sa gitna ng salas.
“Salamat,” ang halos hindi ko na namalayang nasabi ko sa kanya.
Umupo ako sa la mesa at tsaka nag-utos sa isa pang katulong na dumaan dala ang isang walis tambo at pandakot na ikuha ako ng kape. Oo, paborito ko ang kape, lalu na sa umaga, pagkatapos mabuksan muli ng aking diwa sa isa na namang araw dito sa mundo. Isa na ako marahil sa mga kakaunting babae na hindi magkakaroon ng masayang araw kung hindi ako makakainom ng kape pagkagising. Nakasanayan ko na kasi. Hindi ko na rin mabago at alam kong hindi ko rin naman kailangang baguhin.
Habang iniintay ang aking almusal, kasama na ang kape, ay napagpasiyahan ko na ring buksan ang sobreng kasabay kong namulat sa mundo noong araw na iyon. Laman nito ang isang salaping-papel na nagkakahalaga ng limandaang piso. Tiningnan ko ito sandali at tsaka ibinalik sa sobre. Alam ko na rin kasi kaagad kung kanino ito galing. Tiyak na ito’y mula doon sa kaibigan ng aking sumakabilang-buhay na asawa na nanghingi ng pabor kamakailan lang. Hay nako. Aanhin ko ba naman ang limandaan? Para siguro sa isang babaing bente-singko pa lamang ay may maganda nang trabaho, sumusuweldo ng halos isang daang libong piso kada buwan at magsisimula nang magtayo ng sarili niyang negosyo, masyado ko na ring minamaliit ngayon ang ganitong halaga. Siguro ay kung noong mga panahong ako’y nasa mataas na paaralan pa lamang ay madali kong nasunggaban ang ganitong pera. Nguni’t marahil, kapag nahawakan mo na ang iba’t-ibang klase ng denominasyon ng piso, mula sa isang sentimo hanggang sa halos isang milyon, bababa na rin ang tingin mo sa limandaang piso. Marami na rin akong naipundar, mula sa malaki at magandang bahay kong ito ngayon hanggang sa isang napakagandang kotse sa aking garahe, at lahat ng iyan ay mula lamang sa pawis ng isang dalagang minsan ay nagtitinda lang ng sampaguita.
Tumayo ako at tinungo ang isang mesang malapit sa hapag-kainan at may dalawang plorerang humahawak sa mga kulay dilaw na bulaklak at binuksan ang drawer o kahon na matatagpuan dito. Ipinasok ko dito ang sobre at tsaka bumalik sa la mesa. Dito ay may nadatnan akong nakahain nang mga pagkain, marami sa mga ito ay tinapay at prutas. Handa na rin kaagad ang kape na kanina’y aking hiniling. Tsaka ko noon napansin na hindi ko kasama ang aking anak.
“Inday, nasaan ang anak ko? Bakit hindi pa bumababa para sa almusal?” ang tanong ko sa babaeng lumabas mula sa kusina upang magdala ng isang plato ng ulam sa hapag.
“Ate kanina pa po umalis para sa eskuwela. Umaga na po, ate. Alas-nuwebe na po,” ang sagot nito sa akin na may halong pagtataka.
“Alas-nuwebe na? Totoo?” ang muli kong tanong, nguni’t ngayon ay may kahalo nang pagkagulat at pagaalala.
“Opo ate,” ang sagot nito sabay balik sa kusina.
Naku patay! Mayroon pa namang pulong ang aming opisina sa ganap na alas-dies ng umaga. Baka mahuli na naman ako niyan!
Dali-dali kong kinuha ang kape, mabilis itong inubos, at tsaka kumaripas ng takbo papalabas ng bahay upang sumakay sa kotse at magmadali papunta sa opisina. Nguni’t kapag nga naman talagang minamalas, tsaka ko naalala na hindi ko maaaring magamit ang aking kotse. Paanu’y color coding ito tuwing miyerkules at sa kasamaang palad ay miyerkules ngayon.
Napilitan na lamang tuloy akong tumawag ng taksi. Pagsakay dito ay dirediretso na nitong nilakbay ang daan papunta sa aking opisina. Sa sobrang pag-aalala ay panay ang pagdungaw ko sa may bintana para matantsa kung malapit na ba o hindi pa. Dito ko nasilip ang isang lalaking mukhang adik na nakatayo sa may tapat ng simbahan. Mahaba ang buhok nito at malago ang kanyang bigote’t balbas. Nakadamit siya na animo’y nasa loob lamang siya ng kanyang bahay, o kung may bahay nga ba talaga siya. Ang mga tingin niya sa tao ay halos nagpapahiwatig na siya’y isang masamang tao. Wala marahil sa mga taong nasa katinuan na makakakita sa kanya ang hindi makapagsasabing isa siyang taong hindi mo kailanman maaaring mapagkatiwalaan. Bakit naman sa simbahan pa?, ang sambit ko sa sarili. Sa dinami-dami ba naman ng pwedeng paglimusan o kaya ay pagtambayan ay ang simbahan pa ang napili niya. Nakakabastos tuloy sa bahay ng Diyos.
Dito ko naalala ang pangako ko sa Kanya. Mga kulang-kulang dise-otso palang ako noon nang minsan rin akong nagbitaw ng salita sa isang simbahan na hinding-hindi ko makakalimutan ang pagsisismba. Hinding-hindi daw. Kelan ka na ba huling nagsimba?, ang mapangutyang sabi ng aking konsiyensya. Bumigat ang aking pakiramdam na animo’y may tatlong elepanteng sumampa sa aking mga balikat. Sa isang iglap ay muling nawala ang pag-aalala. Ewan. Nakakahiya na rin ang bumalik. Isa pa, di malayong kinalimutan na Niya ako dahil sa ginawa kong paglimot, ang sagot ko sa aking sarili.
Unti-unti nang bumagal ang takbo ng taksi at muli akong naitapon pabalik sa tunay na mundo. Dali-dali kong binayaran ang mamang taksi drayber at tsaka kumaripas ng takbo palabas ng sasakyan at paakyat sa gusali.
Halos masira ko na rin yung pindutan ng elebeytor sa sobrang pagkainis sa kabagalang dinudulot nito. Nang ito’y bumukas ay agad akong pumasaok. Kasabay ko noon ang tatlong kalalakihan na naguusap ng malakas tungkol sa larong golf at sabay-sabay na nagsibaba sa ikatlong palapag. Naiwan ako sa loob ng elebeytor at panay na tingin sa relo. Nang bumukas na ang mga pinto patungo sa ikasampung palapag ay muli na namang gumana ang pagmamadali sa aking mga paa. Dali-dali akong dinala ng mga ito sa aking opisina, di man lamang tumigil para batiin pabalik ang aking mga ka-opisinang nagsumikap na bumati ng isang nagsusumiglang magandang araw na may kaakibat na tanong kung saan ako nanggaling at bakit ngayon lang ako. Halos mabuang na ako noon sa sobrang takot at pagmamadali para makuha lang ang mga kailangan ko para sa pagpupulong.
Mahigit kalahating oras matapos ang mga pangyayaring iyon ay nagwakas ang aking paguulat sa harap ng mga lupon ng mga nakatataas na pinuno ng kompanya. Marahil ay kung walang aircon ang kwartong iyon ay basang-basa na ako sa pawis ngayon. Kahit na natapos ko na ang aking pag-uulat, na naantala ng halos sampung minuto dahil na rin sa aking labis na pagtulog, ay hindi pa rin tumitigil ang aking puso sa pagkabog, tila may inaantay itong isang masamang pangyayari.
Matapos ang pulong ay nagkamayan ang mga miyembro ng lupon. Kahit ako ay nakipagkamay rin sa ilan sa kanila. Matapos ay inayos ko na ang aking mga gamit at dumiretso sa aking sarilin opisina. Kahit hanggang do’n ay hindi pa rin matigil-tigil ang malakas na pagtibok ng aking puso. Kung ang pagtibok nito ay dahil sa labis pa rin ang pagkatakot nito sa nangyaring pagkahuli ko sa isa sa pinaka-importanteng pulong sa buhay ko ay hindi ko alam. Ang alam ko itong lumakas nang tumunog ang telepono sa aking mesa at may isang babae ang nagwika.
“Ma’am Jinky, pinapatawag po kayo ni boss Archie sa kanyang opisina. Kung maaari daw po, ngayon na,” ang sabi ng isang pamilyar at malumanay na tinig mula sa telepono.
“Iparating mo na susunod na ako,” ang sagot ko sa aking sekretaryang halos dalawang taon ko nang kasama.
Dahan-dahan tumungo sa opisina ng aking boss na pinakamalapit at pinakamabait sa akin. Siguro ay natuwa siya sa pag-uulat na ginawa ko kanina. Sa katunayan kasi, pinaghirapan ko ang bagay na iyon. Talong araw ding ulog ang ginugol ko roon para lamang magawa ko ito ng maayos sa harap ng lupon. Sana natuwa siya. Sana.
Nakangiti akong pumasok sa kanyang opisina at dahan-dahang umupo sa isang silyang nakatapat sa kanya. Isang matamis na ngiti rin ang bumalik sa akin sa aking pagpasok, nguni’t halatang may lungkot sa mga ngiting iyon.
“Magandang umaga,” ang bati niya sa akin.
“Magandang umaga rin po,” ang balik ng bati niya sa akin, habang ako ay nagsimula nang nagisip sa tunay na dahilan ng pagpapatawag niya sa akin.
“Naatasan akong magsabi ng isang bagay sayo na gusto kong malaman mo na kahit kailan sa buhay ko ay hindi ko ninais ni naisip na sasabihin ko ito sayo isang araw,” ang simula niya kasabay ng paglakas ng tibok ng puso ko, animo’y may nais itong isigaw.
“Sir naman. Wala namang ganyanan. Pinapakaba niyo naman ako eh.”
Sa pagkakataong ito ay hindi siya ngumiti. Nasanay na ako na sa t’wing sasabihin ko na sa kanya na nagaalala at kinakabahan na ako ay ititigil na nito ang kung anumang pagbibiro na ginagawa niya. Ngingiti na siya at tsaka ikukuwento sa akin ang itsura ko habang naniniwala ako sa bawat pinagsasasabi niya. Nguni’t sa mga sandaling ito ay hindi niya iyon ginawa.
“Alam mo naman siguro kun gaano kita kamahal bilang isang kaibigan. Minsan nga sabi ko sa sarili ko halos higit ka pa sa isang kapatid. Yung tipong ikaw lang yung nakakausap ko nang hindi ko kailangang magpakapormal; yung kahit biru-biruin kita pagkatapos ng bawat linyang sabihin ko sayo, ayos lang. Alam ko alam mo ‘yon. At alam ko rin na alam mong kahit anong mangyari, ipaglalaban kita. Pero Jinx, patawarin mo ko. Hindi ko sila kaya eh. Hindi kita naprotektahan,” ang sabi niya habang nkatingin sa akin gamit ang mga matang lumuluha; mga matang hindi ko pa nagawang makita.
Natigil siya sa kanyang pagsasalita, yumuko at pagkatapos ay tumayo papunta sa isang bintana. Kasabay ng mga galaw niyang ito ang pagpatak ng isang luha mula sa aking mata. Sana nagbibiro lang siya. Nagbibiro lang siya. Nagbibiro. Katulad kahapon. Katulad noon. Katulad ng dati.
“Jinky, nalaman nila.”
Dito na tuluyang bumagsak mula sa kanyan kinalalagyan ang aking puso na hindi na rin tumigil sa malakas nitong pagtibok mula pa kanina.
“Hindi pwede yan! Sabihin mong nagbibiro ka lang!” ang pasigaw kong sambit sa kanya matapos ang mabilis na pagtayo ko mula sa aking kinauupuan nang hindi ko man lang namamalayan.
“Sana nga hindi Jinky. Sana nga. Pero nagawa nilang makuha yung tsekeng pinapalitan mo sa banko. Sinubukan kong ipagpilitang hindi ‘yon sa’yo, na ginagamit lang ang pangalan mo, pero wala na rin akong nagawa. Naunahan na nila ako. Napaimbestigahan na nila. Patawad,” ang sabi niya kasabay ng pagtulo ng mga luhang kanina niya pa pinipigilan ang paglabas.
Ang tsekeng nagkakahalaga ng dalawang milyong piso na napasa’kin kapalit ng dalawang piraso ng papel. Bumalik ang alaala ng isang lihim na transaksiyon sa pagitan niya kasama ang kasintahan ni Archie at ng karibal ng kanilang kumpanya sa kanya. Dalawang piraso ng papel na naglalaman ng mga impormasyon tungkol sa kanilang kumpanya ang paksa ng lihim na pagpupulong na iyon. Mga papel kapalit ng napakalaking halaga na agad at pahangal kong sinunggaban, para sana sa isang maliit na negosyong maituturing kong akin.
“A…Anong mangyayari sa’kin ngayon?” ang halos paiyak ko nang nasabi sa kanya.
Lumunok siya ng malalim at tsaka hirap na hirap na nagwika, “Kailangan ka daw nilang tanggalin sa trabaho mo.”
Umiyak na ako pagkatapos. Iyak na parang nawala na ang bukas, na parang ang lahat ng masamang bagay sa mundo ay kagagawan ko. Wala na akong pakialam noon kung ano ang magiging reaksyon ng mga tao kapag nakita nilang namumugto ang aking mga mata dahil sa lubusang pag-iyak. Tsaka ko noon naramdamang niyakap ako ni Archie. Alam ko kasing sa aming dalawa, ako lang ang matatanggal sa trabaho. Paanu’y anak siya ng isa sa mga may-ari ng kumpanyang ito. Kaya ako lang mag-isa ang dapat na umiyak.
“Wag ka mag-alala. Kinausap ko na si daddy at ang iba pang miyembro ng lupon. Sang-ayon silang hindi ka na dapat kasuhan pa. Nangako siyang gagawin niya ang lahat para hindi iyon mangyari.”
Bumitiw ako sa yakap ni Archie at tsaka tumakbo pabalik sa aking opisina. Maraming tao ang napalingon dahil sa ginawa kong iyon. Nguni’t hindi ko na rin sila napansin. Sa katunayan, wala akong makita noong mga panahong iyon sapagkat ang pareho kong matang puno na ng mga luha sa pagkakataong iyon.
Ilang minuto lang ang ginugol ko sa loob ng aking opisina para lalu pang umiyak, pagkatapos ay lumabas na ako. Tinungo ko ang elebeytor at nagdire-diretso paalis ng gusali, ni minsan ay hindi man lang lumingon. Magmula do’n ay sumakay ako ng dyip papunta sa kung saan-saan na pwede akong makapagisip. Gabi na noong nagdesisyon akong umuwi. Bumaba ako mula sa isang dyip sa isang karinderya ilang kanto ang layo mula sa bahay namin. Dito ay bumili ako ng chicharong bulaklak, na siyang pinakamumuhi kong pagkain sa lahat at aking kinakain kapag galit ako sa aking sarili, at muling naglakad pauwi habang kumakain.
Napadaan muli ako sa simbahang kaninang umaga’y aking natanaw sa loob ng taksi. Nandun pa rin yung lalaking mukhang adik, makatayo sa may tapat ng simbahan at muling pinagmamasdan ang mga taong nagdadaan. Binigyan niya rin ako ng parehong tingin sa pagdaan ko sa harap niya. Nguni’t di tulad ng trato niya sa ibang tao, pagkalampas ko sa kanya, ay sinundan niya ako, kahit saan man ako magpunta. Namalayan ko lamang ito nang isang kanto na Lang ang layo ng bahay ko. Ramdam na ramdam ko sa aking likod ang kadiri niyang pagnanais sa akin; yung malagkit na tingin na parang naglalaway. Muli na namang nangatatob ang dibdib ko, parang lumalaki ng lumalaki ang aking puso sa bawa pagtibok nito. Naramdaman kong palapit siya nang palapit hanggang sa di-malayong tatlong pulgada na lang ang layo niya sa akin. Dito ko na naramdamang nagsimula na ang aking mga paa sa pagtakbo, matulin at punung-puno ng enerhiya.
Hingal-kabayo ako pagdating sa bahay. Gulat akong sinalubong ng mga katulong. Dali-dali nila akong inalalayan papasok ng bahay, pinaupo sa isang sopa katapat ng istatwang hugis ibon sa may salas at pinainom ng tubig. Matapos no’n ay hindi ko na alam ang nangyari. Sa sobrang pagod dala ng ginawa kong pagpunta sa iba’t-ibang lugar at sa bigat ng mga damdaming dala-dala, tuluyan na akong bumagsak sa sopang kinauupuan at nakatulog.
Mahigit limang buwan ang nakaraan matapos ang gabing iyon nang muli akong umupo sa parehong sopa at humagulgol.
Matapos ang araw na nalaman ko kay Archie na tinanggal ako sa trabaho, kinabukasan ay agad na pinadala ng kumpanya ang tsekeng nagkakahalaga ng dalawang daang libong piso bilang aking huling sweldo. Kinuha na rin ng kumpanya ang kotseng magiging akin na sana, ayon sa kontrata, kung nagawa kong maglingkod sa kanila ng isa pang taon. Pinadala na rin ni Archie ang mga gamit pang-opisina ko, kasama ang isang sulat na nagsasabing hindi na ako kakasuhan ng kumpanya sa aking nagawa. Matapos ang araw na iyon ay pinaalis ko na ang lahat ng katulong sa bahay namin. Alam kong hindi ko na rin makakayang paswelduhin sila dahil sa nangyari sa akin.
Dalawang buwan ang nakalipas matapos ang araw na naghudyat ng simula ng pagkasira ng buhay ko at hindi pa rin ako nakahanap ng panibagong trabaho dahil sa nakatatak na sa akin ang hindi ko pagiging matapat sa kumpanyang nauna ko nang pinasukan. Nasa bahay ako noon nang isang masamang balita na naman ang dumating sa aking pinto. Isang guro at dalawang lalaking maingat na inaalalayan ang aking anak ang nagbalita sa akin na ito’y bigla na lamang hinimatay habang nasa eskuwela. Dalawang linggo pa at napagalaman na naming may tumor sa utak ang aking anak at, kung hindi maooperahan sa lalong madaling panahon, maaaring di na magtagal dito sa mundo. Sa labis na pagmamahal sa anak ay di na ako nagdalawang isip na ipa-opera ito sa lalung madaling panahon. Ang operasyon ay nagkakahalaga ng isa’t kalahating milyong piso, kasama na ang mga gamut na kakailanganin matapos ang operasyon.
Ngayon ay muli na naman akong umiiyak sa sopa na katapat ng istatwang hugis ibon dito sa salas. Muling naghahanap ng lakas ng loob mula sa mga luhang walang tigil ang pagpatak. Tatlong daang libong piso para matanggal ang impeksyon dinulot ng operasyon ulo ng anak ko? Tatlong daang libong piso? Saan naman ako makakahanp ng tatlong daang libo? Para siguro sa isang babaing may magandang trabaho, sumusuweldo ng halos isang daang libong piso kada buwan at may kakayahang magsimula ng sarili niyang negosyo, masyado maliit ang gayong halaga. Nguni’t para sa tulad kong malapit nang maremata sa bangko ang tinitirhang bahay at hindi pa rin matubos hanggang ngayon at nagtatrabaho na lang sa isang paggawaan ng kendi at sumusuweldo ng kulang-kulang tatlong daang piso isang araw, hindi na rin biro ang tatlong daang libong piso. Malaking halaga iyon. Malaking-malaki.
Umaga pa lang noong araw na iyon ay nagsimula na akong maghanap ng mga taong mauutangan. Una kong pinuntahan si Archie na natanggal na rin pala sa kumpanyang dati kong pinagtatrabahuhan. Pinunterya na rin daw siya pagkatapos kong umalis. At naghiwalay na rin sila ng kasintahan niyang kasama ko sa lihim na transaksiyon. Binigyan niya ako ng dalawang daan at dalawampung libong piso. Mas kakailanganin ko daw kaysa sa kanyan kaya ganun-ganon na lang ang pagbibigay niya ng perang ganun kalaki ang halaga. Sinunod ko ang aking mga kamag-anak, ang iba ay matagal-tagal ko na ring hindi nakita. Sinunod ko ang aking mga kaibigan, mga ka-opisina, at kahit yung mga kaklase ko pa sa elementarya. Lahat sila sumubok na tumulong, pero konti lang rin ang nakapagbigay, mga kulang-kulang pitong libong piso kung pagsasamahin mo lahat, kasama na ang sweldong mula sa paggawaan ng kendi. Ang natitirang sampung libong piso ay inutang ko na sa mga kapitbahay, sa mga tindahan, at kahit sa kalapit na junk shop. Hanggang sa humantong ang gabi at eto ako sa sopa, muling umiiyak. Bukod sa labis na pagod, isa sa mga dahilan ng pagtulo ng mga luhang ito ay ang katotohanang kulang pa ng limandaang piso ang perang kanina ko pa kinakalap upang bukas ay maoperahan na ang aking anak. Aalis na rin kasi ang tanging doctor na may kakayahang magopera sa kanya sa susunod na araw, papunta sa Europa.
Mamalimos na kaya ako?, ang sambit ko sa sarili. Nguni’t ginawa ko na iyon. At sa loob ng tatlong oras ay limang piso lang ang aking nakuha. Halos wala pa nga sa kalingkingan ng limandaan piso, ang muling sumbat ko sa aking sarili.
Muli akong umiyak. Muling bumalik ang mga masasamang ala-alang dati k pa ninanais ibaon sa limot. Muli kong naalala ang kung ano ako noon at kung ano ako ngayon. Dito pumasok sa aking isip ang Jinky na kilala ko bago pa man ako maging isang mayaman – mabait, maalalahanin, matulungin, at higit sa lahat, may takot sa Diyos. Dito Siya muling pumasok sa isip ko, ang pangako ko sa Kanya at ang pagnanais na muling may masandalan.
Wala na munang hiya-hiya. Para sa anak ko ‘to, ang sambit ko sa aking sarili.
Sumakay ako ng dyip gamit ang limang pisongn nakuha ko sa pamamalimos para makapunta sa simbahan. Pagkarating ko ay pumukaw na kaagad sa aking mga mata ang malaking istatwa ng Panginoon sa may gitna ng altar. Hindi ko na namalayang napaluhod ako, at muli ay umiyak. Pitong taon na rin ang nakalipas bago ako muling nakapasok sa simbahan na minsan nang nagbigay direksyon sa aking buhay. Lumakad ako ng paluhod, habang hindi natatanggal ang tingin ko sa Kanya. Sa bawat hakbang na aking ginagawa, ay isang patawad ang isinisgaw ng aking damdamin at isang luha ang tumutulo mula sa’king mga mata papunta sa sahig ng simbahan. Hindi nalihis ang aking tingin mula sa Kanyang maamong mukha. Nang makarating ako sa may altar ay muli akong humagulgol, nguni’t sa pagkakataong ito ay kasama ko na ang aking kaluluwa. Sa kauna-unahang pagkakataon, matapos ang pitong taon, ako ay nagdasal.
Lumabas ako ng simbahan matapos ang tatlong oras. Sa paglakad ko ay ramdam ko ang isang napakagaan na pakiramdam, animo’y may napakabigat na bagay ang naialis sa aking mga balikat. Bawat hakbang ay hindi na mahapding tulad ng dati. Bawat paghinga ay magaan. Lahat ay parang nagbago.
Nakita kong muli ang lalaking mukhang adik na mahaba ang buhok bigote’t balbas at ikatlong beses ko nang nakitang nakatambay sa may simbahan. Lalapitan ko sana ito upang kamustahin at kaibiganin nang bigla na naman ako nitong bigyan ng tingin na iyon. Yun yung tingin na akala mo’y hindi maaaring gumawa ng masama ang taong iyon. Nagsimula na naman siyang maglakad, dahan-dahan, upang makalapit sa akin. Sa sobrang pagkatakot, marahil, o kaya’y dahil sa natural na pagaalala ng isang ina na baka walang mag-asikaso sa aking anak na may sakit kapag may nangyaring masama sa akin, dali-dali akong tumakbo palayo, pauwi ng bahay namin. Sinubukan akong habulin ng lalaki nguni’t tumigil na rin siya kaagad sa paghahabol bago pa man siya makalayo sa simbahan at, sa halip, ay nagwika na lamang ng:
“Iha! Iha! Buksan mo ang drawer sa mesang may dalawang plorerang malapit sa hapag kainan!”
Nakarating ako sa bahay ng halos hindi makahinga at patuloy na nagugulumihanan sa iwinika ng lalaking muntik nang gumahasa sa akin. Paano naman kaya niya nalaman na mayroong isang mesang may dalawang plorera na katabi ng hapg kainan ang bahay ko? Sa isang hindi ko maintindihan na dahilan, tinungo ko ang nasabing mesang nasa tabi ng hapag kainan at binuksan ang drawer o kahon na narito. Do’n ay natagpuan ko ang isang sobreng naglalaman ng limandaang piso, ang halagang kulang sa pambayad ko para sa operasyon ng aking anak.
Kinabukasan, matapos kong magtungo sa ospital ay dumiretso kaagad ako sa simbahan para makinig ng misa. Dito ay natagpuan ko ang lalaking may mahabang buhok, bigote’t balbas at palaging nakatambay sa labas ng simbahan. Nguni’t, sa pagkakataong ito, ang lalaki ay nakadamit ng puti, may pahabang telang may krus sa dulo na nakasabit sa kanyang leeg, nakatayo sa may altar at nagwiwika sa mga tao ng ganito:
“Mga kapatid, limang buwan na ang nakakaraan nang napanaginipan ko si Hesus. Nasa isang bundok ako noon, nagdadasal, nang bigla Siyang nagpakita sa akin at nagwika: “Makatatagpo ka ng babaeng mag-aalay ng limang piso, ang natitira niyang pera, para lang puntahan Ako sa Aking bahay at lumakad ng paluhod papunta sa altar bilang paghingi ng patawad. Bilang isang gantimpala sa kanyang pagbabalik-loob, sabihin mo sa kanya na buksan ang drawer o kahon ng mesang katabi ng hapag kainan.”
Matapos ang madaming pagtatambay sa labas ng simbahan para lang makita ang babaeng tinutukoy ng Panginoon, nakita ko na ang babaeng iyon kagabi. Kung papaano nakatulong sa kanya ang pagbukas ng draweray hindi ko alam. Nguni’t, nais lamang iparating ng Panginoon na kahit anong halaga ng pera ang ialay niyo sa Kanya, basta’t para sa Kanya o dahil sa Kanya, kahit ang limang piso ay magiging mas mahalaga pa sa kahit na anong denominasyon ng piso na mayroon ka.”
3 comments:
tnx. project sa Filipino 3 yan eh.. haha..
ok lang ako. so far buhay pa naman amidst all the pressure and school stuff.. :P
nga pala, di ba journ ka rin? sumasali ba ang St. Mary's sa contests?
Once again you manage to make what I wrote look like a piece of trash. Not that I mind, pero well.
Bukod sa ang ganda ng story mo (walang wala talaga ung saken at kalahati lang nyan ang haba. wah.), wala lang. It kinda reminded me that I almost lost my mom seven years ago because of brain tumor, so kahit na hindi naman kami dumating sa point na wala na kaming maipambayad (buti naman at we're pretty well off to pay for the enormous hospital fees), it kinda hit close to home.
At... pinopromote ko lang... rosary everday, 1140am saka 410pm or something like that, sa boys dorm chapel.
@ dale: ganun? okay.. part din ako ng skul paper eh.. pero wala pa talagang matinong position dahil mga 4th years lang pedeng makakuha nun.. :P
Si rayray kasama ko dun, di ba ray?
@ rayray: oh come on.. it's impossible na panget yung sayo.. send mo sa DALUMAT ah!
tsaka tagalog kasi 'to eh. kaya ganado ako.. I'm sure kung english yan walang panaman yung sakin..:P
Post a Comment