12.20.2005

Granada

“Tay, ano po bang pinapanood niyo dyan?”



Hindi ko na nagawang marinig pa ang sagot. Sinundan ang mga pangyayari ng isang malakas na pagsabog. Tila biglang nagunaw ang mundo nang isang malakas na dagundong ang muntik nang magpatalon sa aking puso palabas sa aking katawan. Sumunod doon ang dilaw na ilaw na sumilaw sa aking mga mata. Napadapa na lamang ako sa sahig at doon ay napaluha.



Kinuha ako ni tatay mula sa aking pagkasadlak sa sahig at tinulungang tumayo muli. Kitang-kitang siya man ay nagulat sa nangyaring lakas ng pagsabog. Halatang pinapawisan siya.



Isang malakas na kalabog ng pinto ang aming narinig nang isang babae ang biglang sumulpot sa may pintuan ng opisina ng aking ama.



“Sir, ang kapatid niyo po,” ang balisang-balisa nitong sambit, “sumabog po ang kanyang kotse.”



Si Tiyo Jose? Patay na? Nahihibang na ba ang babaeng ito?



“Nakikiramay po ako, Sir,” ang sambit nito bago naluluhang umalis.



Napalingon ako kay tatay. Sa tono ng pananalita at sa mukha ng babeng kasasalita lang ay natitiyak ong hindi ito nagbibiro. Ilang sandali lang ang nakakara’y nakadungaw pa si tatay sa bintana mula sa kanyang opisina habang pinapanood ang pag-alis ng kanyang kapatid. At tiyak na nasaksihan niya ang pagsabog ng kotse nito.



Inalalayan ako ni tatay papunta sa sofa. Nang nakaupo na ako’y tinungo niya ang kanyang lamesa at nagsalin ng alak sa isang maliit na baso at tuloy-tuloy niyang ininom ito. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko sa kanya.



Nakatatandang kapatid ni tatay si Tiyo Jose. Madalas ipagmalaki ng tiyo ko ang aking ama sa kanyang mga kakilala. Nguni’t kahit ganoon ay halatang mas maganda ang takbo ng buhay ni Tiyo Jose. Mas malayo ang narating niya sa kanyang napiling karera kumapara sa aking ama. Kaya naman alam kong lihim din siyang ipinagmamalaki ng aking ama.



Parehong negosyante ang dalawang magkapatid. Pareho rin ang negosyo ng dalawa – damit. Yun nga lang, ang negosyo ni Tiyo Jose ay nakapageexport na sa ibang bansa. Ang kay ama’y hindi ganoon kalaki upang mapantayan ang nagagawa ng negosyo ng aking Tiyo. Paano’y doble ang laki ng negosyo ni Tiyo kumpara sa negosyo ng aking ama.



Madalas kung bumisita si Tiyo sa aming bahay. Mahal na mahal daw kasi niya ang aking ama. Sa katunayan, sa t’wing malalagay sa peligro ang negosyo ng aking ama ay ginagawa kaagad ni Tiyo ang lahat ng kanyang makakaya upang matulungan ang aking ama at maisalba ang kumpanya.



Maging sa akin ay napakagiliw ng aking Tiyo. Lagi itong may dalang asalubong sa akin sa t’wing bibisita siya sa bahay. At kung pupunta naman ito sa ibang bansa, siguradong hindi niya ako makakalimutang dalhan ng pasalubong. Maaga kasing namatay ang kanyang asawa at hindi sila nagkaanak. Ayaw naman daw niyang mag-asawa ulit.



Muling lumapit si tatay sa may bintana. Bakit kaya hindi pa siya bumababa upang tumulong sa mga nangyayari sa baba?



Muli kong inalala ang sagot ni tatay kanina sa tanong ko. Hindi ko na iyon narinig dahil sinabayan ito ng malakas na pagsabog.



“Wala anak. Hinihintay ko lang sumabog ang granadang nilagay ko sa sasakyan ng Tiyo mo.”



 



*haha. low quality. :P just a pathetic attempt to go back into writing. wala na kasing drive para magsulat eh. :P 



No comments: