Hindi na lingid sa kaalaman ng mga madalas bumisita at magbasa ng blog ko na dahil sa wala talagaakong magagawa ngayong summer kundi tumunganga at matulog, sumali na lang ako sa isang elective sa Pisay na idinaraos ngayong summer.
At dahil sa elective na ito kung bakit ako kasalukuyang nag-o-on-the-job-training sa PHIVOLCS. At dahil din dito kaya ko isinulat ito.
PHIVOLCS
Hindi pa talaga ako nakakahanap ng isang tao na hindi talaga alam kung ano ang ibig sabihin ng acronym na ito. Pero nakakasiguro ako na karamihan sa inyo hindi alam na nageexist pala ang isang ahensiya ng gobyerno na katulad nito.
Oo. Ito ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology. Sa madaling salita, isang institusyong ibinubuhos ang buong lakas nila at talino para pag-aralan ang mga bulkan at mga pagyanig ng lupa na, kung tutuusin, ay hindi naman ganun kadalas kung maganap.
Pero akala mo lang yun.
Alam mo bang halos 5 lindol ang nararanasan ng Pilipinas araw-araw (hindi nga lang ito nararamdaman)?
At alam mo rin bang naka-alert level 1 ang Bulkang Taal at bulusan ngayon?
Importante sila. Akala mo lang hindi.
Kilala ang institusyong ito para sa mga estudyante ng Pisay dahil dito, asahan mo na ang mga napakasayang field work. Asahan mo na rin na sa mga field work na yan, magiging malapit kayo ng mga kasama mong mag-OJT. Bonding Session ika nga.
Pero para sa akin, hindi yan ang dahilan kung bakit ako nagagalak na pinili ko ang PHIVOLCS.
Bakit?
Kanina kasi, nagkaroon ng symposium na isa ring pagbibigay pugay para sa mga namatay na empleyado ng PHIVOLCS. May namatay? Oo.
Kung madalas kang makinig ng balita, hindi mo sigurado naiwasang mabasa ang tungkol sa pagbagsak ng helicopter na sinasakyan ng kilalang director ng PHIVOLCS na si R. S. Punongbayan mga isang taon na ang nakalipas. May kasama pa siyang apat na taga-PHIVOLCS din. Nasa isa silang field work noon. Nagtatrabaho.
Doon ko nakita ang isa pang mukha ng pagiging isang siyentipiko – ng pagiging isang tao.
Pag namatay ka, lalu na sa mga siyentipiko, ang mga tanging bagay na mananatili sa mga tao ay ang kung ano ang nagawa mo para sa kanila – kung paano sila tinulungan at pinakisamahan. Hindi na sa kung paano ka manumit o kung anong type ng music ang pinapakinggan mo. Kundi paano mo nagamit ang iyong kaalaman para makagawa ng pagbabago.
Nakakatuwa kasi nung una, yung mga namatay na ‘yon mistulang mga pangalan lang na sumusunod sa salitang “Deceased”. Pero bago pa man matapos yung symposium, mapagtatanto mo na na yung mga taong yun, hindi lang basta pangalan, dahil daig pa nila si Darna sa dahilang sila rin ay nakapagligtas na ng libu-libong tao. Sila rin gumawa ng pagbabago. Parang unti-unting magkaroon ng mukha yung mga pangalan. Parang unti-unti silang nabuhay dahil sa mga nagawa nila.
Masaya ako na naabutan ko ang PHIVOLCS sa ganitong estado, kung saan makikita mo kung paano nila pinapahalagahan ang mga taong ktrabaho nila. Makikita mo kung paano nila nirerespeto ang talino’t galling ng isa’t-isa.
At ang lahat ng iyan, hindi para sa kanila. Para sa iba. Pero kahit hanggang sa kanilang sariling kamatayan, nakangiti pa rin nilang gagawin ang mga ito.
Habang Pauwi
Habang pauwi ako kanina, sa pagsakay ko sa dyip, ay minalas-malas ako nang makatabi ko ang isang mamang malayo pa lang eh amoy mo nang may putok siya. Lalu pang patitibayin ang nanuna mo nang akala kapag nakita mo siya nang malapitan kung saan maiiitim ang kanyang mga kuko, nakasuot ng maduming T-shirt at shorts at ubod ng gasgas nang tsinelas. Samahan mo pa ng gulo-gulong buhok at maitim na kutis na parang hindi pa naliligo ng isang linggo. Mukha siyang mabaho at mabaho talaga siya.
Ang sama ko? Hindi naman. Kahit ikaw naman siguro ang nasa kalagayan ko ay hindi mo maiiwasang pumasok sa isip mo ang pagnanais na lumipat na lang ng upuan lalu na’t siksikan sa dyip.
Pero hindi lang iyon. Dahil sa may karanasan na rin akong mawalan ng cellphone sad yip, panay ang kappa ko sa aking cellphone sa bulsa. Sa totoo lang, wala namn talaga akong pakialam kung mawala ang cellphone ko. Kung tutuusin, 2100 lang yun. Tapos di ko rin masyadong ginagamit dahil hindi na ako nag-tetext pwera na lang kung kailangan. Kaya sa totoo lang, ok lang na mawala yung cellphone ko. Pero ayaw kong mawala dahil sesermonan ako ng nanay ko ng mahabang-mahaba tungkol sa pag-aalaga ng gamit.
Kaya kahit anong mangyari, panay ang kapa ko.
Pero siyempre yung mabahong mama rin kumapa sa sarili niyang bulsa. Pagkatapos ay inilabas ang isang cellphone na akalain mo eh colored na nga, may camera pa! Kasabay nito, napansin ko ring meron siyang suot na earphones na nakakonekta sa isang mp3 player!
To Ryan:
“Ayan, pahiya ka no! Ano namang masasabi ng 2100 mong camera-less at black-and-white sa cellphone nung lalaking yun?! Tsaka bakit, ikaw ba may mp3 player?!”
Hindi ko na inisip pa kung kesyo ninakaw niya iyon, napaulot niya, o talagang inalayan niya ng dugo’t pawis iyon para lang makuha niya. Ang malaking puntong dumungaw sa akin ay nang husga ako ng tao.
Inakala ko kaagad na mas mababang uri ng tao ang lalaking yun kaysa sa akin. Minaliit ko siya kaagad bago ko pa malaman kung ano ang tunay na kwento ng buhay niya. Hinusgahan ko siya agad.
Yun pala, magkaiba lang talaga kami ng priorities: ako - hygiene; siya – gadgets.
Sariling biyahe
Dahil sa elective rin na ito, pinayagan na ako ng mga magulang ko na mag-commute o bumiyahe papunta sa PHIVOLCS at pauwi sa bahay.
Nakakatuwang isiping sa simpleng pagco-commute eh marami ka na rin palang matututunan. Katulad ng pagtitipid ng pera mo para may matirang pamasahe pauwi. Pagtawid ng maayos. Pagsakay sa tamang dyip o kaya ay bus. Pagiging alerto para hindi lumampas sa dapat babaan. At pag-alaga sa sarili.
Kaya sa totoo lang, kung ang pag-uusapan lang ay ang mga matututunan ukol sa realidad ng buhay, tiyak na mas marami pa akong matututunan sa isang elective na katulad ng Summer Science Internship Program (SSIP) kaysa sa pagsuot ng isang lapel mic at pagkulong sa sarili sa isang bahay kung saan maraming camera sa paligid at may isang dikatador at misteryosong boses na pinipilit kang kumbinsihin na magkadugo talaga kayo kaya dapat mo siyang tawaging Kuya.
No comments:
Post a Comment