3.12.2006

Habang Katabi ang statue of Liberty

This is fictitious.



Haha. I felt a great urge and NEED to say that. :P



Anyway, this story is based on things that really happened. But the story itself didn't happen. gets? :P



Habang katabi ng Statue of Liberty

Ryan Magtibay



 



            Papasok ka pa lang sa napakagandang hotel na iyon na siyang pagdarausan ng isa sa mga gabi sa buhay mo na hindi mo malilimutan ay manginginig ka na. Prom ‘to. At hindi mo naman kasi talaga inaasahang magiging ganun ito kagarbo. Pagkalampas mo pa lang sa pinto ay bubulaga na sa iyo ang isang napakalaki at napakagandang hagdan papaakyat na akala mo ay makikita mo lang sa mga pelikula. Agad mo ring mapaggugunita na kailangan mong dumaan dito para makarating sa lugar kung saan magaganap ang prom niyo. Kaya naman agad-agad na nagsitayuan ang bawat buhok sa iyong katawan. Tiyak kasing habang papaakyat ka ay magiilusyon ang utak mo na kunwari’y nasa isa kang pelikula at kasama mo si Sandra Bullock bilang iyong leading lady at papaakyat kayo sa hagdan na iyon dahil siya ang date mo. Pero dahil ayaw mo namang magmukhang tanga dahil sa ilusyon na iyan ay agad ka na lang naghanap ng makakasama sa pagakyat sa hagdan na iyon.



            Pag-akyat ay pakiramdam mong bigla na lang isang malubhang sakit ang kumalat at pinatay ang lahat ng tao sa mundo. Tapos ay pinalitan sila ng mga alien na siyang gumaya sa kanilang pisikal na kaanyuan at kasalukuyang nagpapanggap na sila. Alam mo ito dahil ang mga kaibigan, kakulitan at kaaway mo sa eskuwelahan ay kasalukuyan kang binabati sa isang sibilisadong paraan habang suot nila ang mga magagarbo nilang damit. Alam na alam mong hindi naman talaga sila babati at magdadamit ng ganito kung hindi nga sila pinalitan ng mga alien. Pero dahil sa naisip mong nagiisa ka na lang na tao sa mundo at ikaw na lang ang may kakayahang magsalba ng lahi niyo ay minabuti mong gayahin na lamang ang kanilang pananamit at paggalaw para hindi nila malamang isa kang alien at hindi ka nila patayin. Kasabay nito ay ang isang dasal na sana’y bukas ay bumalik na ang lahat sa dati.



            Naglibot-libot ka. Bati do’n, bati dito. Kaway do’n, kaway dyan. Nang maramdaman mong nangangalay na ang bibig mo sa kakangiti at ang kamay mo sa kakakaway ay minabuti mo nang pumasok sa loob ng ballroom na pagdadausan ng inyong prom. Matapos kang pumirma at kumuha ng souvenir ay tumayo ka sa tabi ng isang yelong inukit para maging kamukha ng Statue of Liberty at nilagay sa may tabi ng pinto upang batiin ang lahat ng pumapasok. Kasalukuyan na itong natutunaw at unti-unti na ring nababawasan ang torch na buong pugay nitong itinataas. Sayang. Hindi na ganap na ganap ang kagandahan nito. Gayun pa man ay minabuti mong tumabi rito dahil nga gawa ito sa yelo at may inilalabas itong lamig na nagustuhan ng iyong katawan.



            Sa pagtayo mo sa tabi nito ay may dumaang isang binibini. Suot niya ang isang kulay rosas na prom dress at nakataas ang kanyang buhok. Madalas mo na siyang makita sa eskuwela pero ngayon mo lang talaga siya napansin. Dahan-dahan siya kung maglakad. Hindi mo alam kung mahinhin talaga ito o hindi lang talaga siya sanay magsuot ng mga sapatos na matataas ang takong kaya siya mabagal maglakad pero hindi mo na iyon pinansin. Patuloy ka kasing tumititig sa kanyang mukha upang busugin ang iyong mga mata. Hindi mo masabing maganda siya dahil tila lumampas na siya sa mga katangian ng isang babaeng maganda lang. Patuloy mong sinundan ng tingin ang babaeng iyon hanggang sa tuluyan na siyang nakapasok sa pinto. Sa mga sandaling iyon ka lang muling nakahinga. Muntik ka na rin palang mamatay dahil halos magtatatlumpung segundo ka nang hindi humihinga dahil sa pagkamangha. At dahil din dito kaya naman agad kang sumunod sa baabeng iyon.



            Ngunit sa pagpasok mong ito ay ang saktong sandali na lumingon at lumakad pabalik ang babaeng iyon kaya naman nagkabungguan kayo. Natumba ang babae at napaluhod sa sahig. Samantalang dahil ikaw ay halatang mas malaki sa kanya, hindi ka natumba. Namangha ka dahil sa mga sandaling ito mo napatunayan na tama ang titser mo sa pisika ukol sa leksyon niyo sa momentum. Ngunit agad rin nawala ang ideyang iyon sa utak mo dahil patuloy pa rin ang pagkabighani mo sa babaing napatumba mo. Yumuko ka at tinulungan siyang tumayo kasabay ng isang buong-pusong paghingi ng patawad. Tumingin siya sa ‘yo at do’n ka na inilipad ng mga anghel sa ikapitong kalangitan. Napakaganda ng kanyang mga mata na noong mga panahong iyon ay sinamahan niya rin ng isang taos pusong ngiti na tiyak namang bibighani sa kahit sinumang lalaking nasa katayuan mo nang mga sandaling iyon. Dahil sa hindi ka makapagsalita ay siya na mismo ang nagtanong kung ayos ka lang ba. Tumungo ka upang sabihing oo. Matapos no’n ay nagpasalamat siya at tuluyan nang umalis.



            Kinailangan ng humigit-kumulang dalawang minuto bago mo napagtanto na umalis na ang babaeng ngayon ay kinahuhumalingan mo at sinayang mo ang pagkakataong makilala siya. Sa sobrang inis ay nagpasiya ka na lamang na hanapin ang inyong mesa at do’n ay umupo.



            Makalipas ang dalawang oras ay natagpuan mo ang iyong sarili na masayang nakaupo sa mesa habang nilalasap mo ang sarap ng pagkain na inilapag sa harap mo ng isang waiter. Sa mga sandaling ito ay nakalimutan mo na ang mga nangyari kanina lang. Sa pagsubo mo ng isang piraso ng manok sa iyong bibig ay bigla na lamang iwinika ng emcee sa mikropono na ihahayag na nila ang nagwaging prom prince at prom princess para sa gabing iyon. Ihahayag din daw nila kung sinu ang nagwaging prom king at prom queen pero wala ka naman talagang pakialam do’n dahil ang mga titulong iyon ay para sa mga senior.



Gayunpaman ay nagtayuan pa rin ang mga buhok sa iyong katawan. Kanina lang kasi ay inanunsiyo rin na kabilang ka sa mga nominado para maging prom prince. Hindi mo naman talaga gusto ang titulong iyon at wala ka naman talagang pakialam do’n. Sa katunayan nga ay ayaw na ayaw mo do’n dahil alam mong ang mananalong prom prince ay kailangang isayaw ang prom princess upang pormal na buksan ang sayawan at alam mo rin sa sariling mong hindi ka marunong magsayaw. Nakatitiyak kang baka maging sanhi pa nga ito ng pagkapahiya mo.



Ang talagang dahilan ng pagtayo ng mga buhok sa iyong katawan ay ang pagbalik ng alaala ng babaeng kanina’y bumighani sa iyong mga mata. Naalala mo kasing isa rin siya sa mga kandidato para maging prom princess. Habang patuloy ang iyong pagkain ay nakabuhos naman ang lahat ng atensiyon ng iyong mga tenga sa sinasabi ng emcee.



            Nalintikan na. Binigkas ng emcee ang iyong pangalan na siyang sinundan ng isang malakas na palakpakan. Napilitan ang mga paa mong patayuin ka mula sa pagkakaupo mo at papuntahin ka sa entablado. Maiiyak ka na sana sa hiya nang marinig mo ang pangalang binanggit ng emcee bilang nagwagi ng prom princess at nang makita mo kung sino ang tumayo para tanggapin ang parangal na ito. Animo’y sinadya ng tadhana na manalo kang prom prince at ang babaeng nakabunggo mo kanina bilang prom princess. Sa mga sandaling iyon ay tila muli ka na namang inilipad ng mga anghel sa ikapitong langit. Mukha nga yatang lumampas ka pa. At nang kuhanin mo na ang kanyang kamay habang dahan-dahan kayong nagtungo sa dance floor ay tsaka mo naramdaman na parang sadyang ginawa ang gabing ito para sa iyo. Nang nagsimula ang malumanay na tugtugin ay dahan-dahan naman kayong sumayaw na biglang naantala ng isang tapik sa balikat.



           



            “Hoy, pasok na sa loob. Magsisimula na iyong prom niyo.”



           



            Sa mga sandaling iyon ko lamang winakasan ang pagkatunganga ko at pagiilusyon habang katabi ang statue of liberty na gawa sa yelo.



 



No comments: