6.13.2005

june post.

haha. napansin ko kasi na wala pa yung June 2005 archive dun sa archives list eh. tapos naalala ko na hindi pa nga pala ako nagpopost dito. hehe. kaya eto. for the june 2005 archive's sake.

ang unproductive (haha. ang baho pakinggan.) ko kasi nung patapos na ung summer. hehe. 5 plots at isang topic for an essay pero hindi ko pa rin masulat-sulat. kakatamad eh. hehe.

nagugutom na ako.

isa pa, Eng journ naman ang elective ko eh. so magsasawa rin ako sa kakasulat buong taon, at probably, hanggang next year. :)

to dale: yung suggestion mo na plot (yung footbridge) di ko pa rin tapos. hehe. :p

haayyyyyy.

sa kakahiling ko sa Diyos ng isang twist sa buhay ko, binigyan nga ako ng isa. ayan. i'm confused. hay.

tama si joji.

minsan akala mo wala kang kwenta, tapos may ibang nakakakita na sobrang astig mo.

hay ulit.

para sa iyo: salamat sa pagtetreasure ng memories. that is, perhaps, the best thing someone did for me. pero i need time. di ko alam kung anong sasabihin ko sa ngayon.

5.23.2005

Ang pangpitumpu't-isang artikulo

Ryan Magtibay

Kanina, naisip ko na gusto kong kolektahin ang mga pinagsususulat ko, kahit gaano kababaw, kahit gaano kawalang-kwenta. Naisip ko kasi, ang mga ito lang ang patunay na may ginagawa akong makabuluhan ditto sa mundo. Hindi man ito nakagagawa ng mga himala, o nakaktulong sa isang tao, kahit papaano naipaparating ko naman ang mga gusto kong sabihin sa pamamagitan ng mga artikulong sinulat ko. Kahit papano, pagtanda ko, kung sakaling tatanungin ako ng mga apo ko kung may nagawa ba akong makabuluhan sa buhay ko, masasagot ko sila ng: "Anak, nagsulat ako."

Nakakatawa no? Pero kasi kung tutuusin, dito na lang naman talaga ako may maiaambag sa mundong ‘to. Di naman kasi ako magaling sa larangan ng sports kaya hindi ako pwedeng maging kinatawan n gating bansa para sa mga pandaigdigang paligsahan. At bilang isang taong wala masyadong alam sa larangan ng musika, wala rin akong maiaambag dito. Kung tutuusin ang pagsusulat ang tanging bagay na hindi ko sinukuan, masusing pinag-aralan, at patuloy na ginagawa. Kaya kahit papaano, pwede kong isigaw sa buong mundo na: "Hoy! Nagsusulat ako!"

Di tulad ng iba ko pang mga artikulo, wala naman talaga akong gusto iparating. Gusto ko lang ipagdiwang ang hindi ko pagsuko sa isang bagay. Gusto kong ipagdiwang ang aking patuloy na pagsusulat para maipahiwatig ang gusto kong maipahiwatig. Gusto kong ipagdiwang ang hindi ko pagtigil sa pagsusulat. Pagsusulat na rin kasi ang naging daan para mailabas ko ang kung anuman ang gusto kong sabihin. Pagsusulat na rin ang naging daan para mas maintindihan ko ang aking kapaligiran. Ito na ang aking libangan at ang aking ikalawang puso at utak. Kaya para sa aking pangpitumpu’t-isang artikulo, buong puso kong ipinagmamalaki: “Isa akong manunulat. Di man masyadong magaling, kahit papaano, nagsusulat pa rin.”

"Joseph, writing is a skill. Natututunan yan. Basta gusto mo." ---> my sister

5.16.2005

Fast Forward

Ryan Magtibay

I am now officially dumbfounded by my parents’ attitude nowadays. It seems as if I don’t know them. Back when I was a kid, I would always be precise and accurate at predicting their actions. But now, I have absolutely no idea. Makes me wonder, are we, their kids, the ones who are changing or is it them who are having a lot of trouble catching up with us?

May teorya kasi ako nung bata pa ako na kung kami ay nag-aadjust sa mga magulang namin habang lumalaki kami, sila din nag-aadjust. Siyempre sanay sila na palagi kaming nakasandal sa kanila at hindi alam kung ano ang tama at mali at kung ano ba talaga ang gusto sa buhay. Pero ngayong malaki na tayo, at gusto na nating makatayo, kahit papano, sa sarili nating mga paa, kelangan din nilang mag-adjust sa atin. Nag-iba na kasi tayo ng personalidad, mula sa pagiging isang bata patungo sa isang pagiging matanda, at nagsisimula nang maghubog ng sariling pagkatao. Kung dati hindi tayo natutulog sa ibang bahay ng hindi sila kasama, ngayon ay nagpapaalam na tayo para makadayo at magpalipas ng gabi sa ibang bahay. Kaya kung madalas hindi nila alam kung papayagan ka ba o hindi, normal lang. Kasi nag-aadjust din sila sa paglaki mo.

I also believed in the fact that parents spank-you-because-they-love-you theory when I was a kid. It’s that fact that whatever thing your parents are doing, it’s for your own sake. And that includes spanking and sermons.

Ngayon, ewan ko na. Parang lumabo nang lumabo yung parehong teorya eh. Kaya hindi ko na talaga alam kung maniniwala pa ako o hindi na. Ang gulo-gulo na kasi eh. Ngayon, nagagalit na lang sila over anything. Kahit sobrang babaw nagagawan nila ng paraan para mapagalitan ka. Ang malas ng may matatalinong mga magulang kasi mahirap makalusot. At minsan, parang hindi ka na nila tinatanong kung gusto mo pa ba ang isang bagay o hindi. Sa katunayan, tatanungin ka naman nila. Pero ang tanong ay halatang biased. At tatanungin ka rin nila ng tatanungin hanggang sa makuha ang sagot na gusto nila. Kung hindi naman nila ito makukuha sa pangungulit, gagamitin naman nila ang iba’t-ibang threats at ang i-am-so-very-disappointed-with-you look. Kaya mahirap na rin malaman kung para pa ba sa kapakanan mo iyon o hindi.

Naguguluhan na talaga ako sa kanila. Minsan naiinis na rin. Hindi ka naman kasi pwedeng magpaliwanag dahil "pag-sagot" yun, na isa ring napakasamang bagay. Minsan sinusukuan ko na lang sila. Kung ano pa man yun, susuko na lang ako sa gusto nila. Kasi, para namang may iba pa akong options. Isa pa, sa mata ng Diyos at sa mata ng tao, sila ang gumawa sa'yo at nagpapakahirap para iluklok ka sa kinatatayuan mo ngayon. "Wala ka dito kundi dahil sa amin" ika nga. Kaya bilang pagtanaw ng loob sa paggawa sa'yo, kailangang magkaroon ng respeto.

Either way, I still can’t understand them. And sometimes, I just don’t want to.

Dahil kung may teorya man akong paniniwalaan ngayon, yun ay ang :

"We can’t really understand parents, unless we are already one."

Sa Pagtakbo sa Isang Daang tinawag na buhay

Ryan Magtibay


"When he told me that the place makes him sad because he was ONCE one of these people, I wanted to tell him: 'you know, this place makes me sad too because I NEVER was one of these people.'"

Nagtatalo kami ng kuya ko noon nang sabihin niya sa akin na: "Alam mo, dapat kasi wala na lang mahirap o mayaman. Hindi ba pwedeng lahat na lang ng tao taga-middle class?"

Ang sagot ko sa kanya? Hindi. Imposible naman kasi yun eh. Ang buhay ay parang isang paligsahan sa pagtakbo. Imposibleng walang mauuna. Imposibleng walang mahuhuli. Kahit milliseconds lang ang pagitan ng isang manlalaro sa isa pa, may nauna pa rin at may nahuli. Kaya sa pagtakbo natin sa daang tinawag na buhay, may mauuna at may mahuhuli pa rin, imposibleng lahat ay sabay-sabay; imposibleng lahat ay mapabilang sa isang class lamang dahil palaging may makalalamang at may malalamangan.

Hindi naman mayaman ang pamilyang kinabibilangan ko. Wala kaming grandiyoso at naglalakihang mga bahay. Nakatira lang kami sa isang paupahang bahay na sa tiyansa naming ay malapit nang bumagsak at magiba dahil sa dami ng anay. Wala rin kaming mga magaganda at malalaking kotse. Mayroon lamang kaming isang maliit na Daihatsu van na second-hand at 1990’s model pa. Saktong-sakto lang rin ‘yon para sa buong pamilya. Pero hindi ko rin sasabihin na mahirap kami. Nakakakain naman kasi kami ng tatlong beses isang araw, araw-araw. At nagagawa rin naman naming kasing makabili ng hindi lang ang mga kailangan namin, kundi ang mga gusto din namin. Kami yung mga taong ika nga nila eh katamtaman lang ang tayo sa buhay; hindi nauuna at hindi rin nahuhuli.

Sa paglago ng teknolohiya ng mundo, marami-rami na ring naimbento ang tao na magpapadali ng kanyang buhay. Pero hindi rin natin maikakaila na ang mga bagay na ito ay matatamasa lamang ng mga mayayaman. Kaya kapag nasa paligid ka ng mga taong may kakayahang makabili ng mga bagay na ito, di mo rin maiwasang mainggit; di mo rin maiwasang mangarap na sana, ikaw rin ay katulad nila na nakakatamasa ng mga bagay na ganon.

Sa katunayan, ayoko nang naiinggit. Bakit? Kasi kung tutuusin, wala naman tayong dahilan o kahit ang karapatan para mainggit sa ibang tao. Madalas kasi pakiramdam natin na mas magiging maganda ang buhay natin kung meron tayo ng kung anong meron ang iba. Pero sa totoo lang, hindi naman eh. Kasi, madalas, may ibang tao na ang pakiramdam ay mas magiging maganda ang kanilang buhay kung meron sila ng kung ano ang meron tayo.

Naisip ko lang, marami sigurong mga taga-squatter's area at lugmok sa kahirapan at pagdurusa ang matutuwa kung makukuha nila ang buhay na meron ako. Marahil pa nga na ang turing nila sa buhay ko ay buhay ng isang hari. Dahil kung ikukumpara mo sa buhay na meron sila, hindi nga maikakaila na mas kaunti ang problema mo kaysa sa kanila.

Tapos gusto mo pa ng buhay ng iba dahil pakiramdam mo lang na hindi maganda ang buhay mo.

Siguro dapat na mas pinahahalagahan natin ang kung ano ang meron tayo. Kasi madalas na wala ang iba niyan.

Kaya kung iniisip mo na marami ka nang hindi natatamasa sa buhay mo dahil lang hindi mo ma-afford ang mga ito, puwes mali ka. Dahil mas maraming ipinagkait sa mga taong mas mababa ang antas ng kabuhayan kaysa sa iyo. At least nga ikaw ang problema mo lang ay hindi mo makayang makabili ng isang i-pod. Kasi yung iba nga diyan, hindi man lang makayang makabili ng makakain para sa isang araw.

Kaya kung naiinggit ka sa iba, isipin mo na lang na kahit papaano dito sa paligsahan sa pagtakbo sa isang daan na tinwag nilang buhay, kahit hindi ikaw ang nauuna, hindi rin naman ikaw ang nahuhuli.