Ryan Magtibay
Kanina, naisip ko na gusto kong kolektahin ang mga pinagsususulat ko, kahit gaano kababaw, kahit gaano kawalang-kwenta. Naisip ko kasi, ang mga ito lang ang patunay na may ginagawa akong makabuluhan ditto sa mundo. Hindi man ito nakagagawa ng mga himala, o nakaktulong sa isang tao, kahit papaano naipaparating ko naman ang mga gusto kong sabihin sa pamamagitan ng mga artikulong sinulat ko. Kahit papano, pagtanda ko, kung sakaling tatanungin ako ng mga apo ko kung may nagawa ba akong makabuluhan sa buhay ko, masasagot ko sila ng: "Anak, nagsulat ako."
Nakakatawa no? Pero kasi kung tutuusin, dito na lang naman talaga ako may maiaambag sa mundong ‘to. Di naman kasi ako magaling sa larangan ng sports kaya hindi ako pwedeng maging kinatawan n gating bansa para sa mga pandaigdigang paligsahan. At bilang isang taong wala masyadong alam sa larangan ng musika, wala rin akong maiaambag dito. Kung tutuusin ang pagsusulat ang tanging bagay na hindi ko sinukuan, masusing pinag-aralan, at patuloy na ginagawa. Kaya kahit papaano, pwede kong isigaw sa buong mundo na: "Hoy! Nagsusulat ako!"
Di tulad ng iba ko pang mga artikulo, wala naman talaga akong gusto iparating. Gusto ko lang ipagdiwang ang hindi ko pagsuko sa isang bagay. Gusto kong ipagdiwang ang aking patuloy na pagsusulat para maipahiwatig ang gusto kong maipahiwatig. Gusto kong ipagdiwang ang hindi ko pagtigil sa pagsusulat. Pagsusulat na rin kasi ang naging daan para mailabas ko ang kung anuman ang gusto kong sabihin. Pagsusulat na rin ang naging daan para mas maintindihan ko ang aking kapaligiran. Ito na ang aking libangan at ang aking ikalawang puso at utak. Kaya para sa aking pangpitumpu’t-isang artikulo, buong puso kong ipinagmamalaki: “Isa akong manunulat. Di man masyadong magaling, kahit papaano, nagsusulat pa rin.”
"Joseph, writing is a skill. Natututunan yan. Basta gusto mo." ---> my sister
No comments:
Post a Comment