Ryan Magtibay
"When he told me that the place makes him sad because he was ONCE one of these people, I wanted to tell him: 'you know, this place makes me sad too because I NEVER was one of these people.'"
Nagtatalo kami ng kuya ko noon nang sabihin niya sa akin na: "Alam mo, dapat kasi wala na lang mahirap o mayaman. Hindi ba pwedeng lahat na lang ng tao taga-middle class?"
Ang sagot ko sa kanya? Hindi. Imposible naman kasi yun eh. Ang buhay ay parang isang paligsahan sa pagtakbo. Imposibleng walang mauuna. Imposibleng walang mahuhuli. Kahit milliseconds lang ang pagitan ng isang manlalaro sa isa pa, may nauna pa rin at may nahuli. Kaya sa pagtakbo natin sa daang tinawag na buhay, may mauuna at may mahuhuli pa rin, imposibleng lahat ay sabay-sabay; imposibleng lahat ay mapabilang sa isang class lamang dahil palaging may makalalamang at may malalamangan.
Hindi naman mayaman ang pamilyang kinabibilangan ko. Wala kaming grandiyoso at naglalakihang mga bahay. Nakatira lang kami sa isang paupahang bahay na sa tiyansa naming ay malapit nang bumagsak at magiba dahil sa dami ng anay. Wala rin kaming mga magaganda at malalaking kotse. Mayroon lamang kaming isang maliit na Daihatsu van na second-hand at 1990’s model pa. Saktong-sakto lang rin ‘yon para sa buong pamilya. Pero hindi ko rin sasabihin na mahirap kami. Nakakakain naman kasi kami ng tatlong beses isang araw, araw-araw. At nagagawa rin naman naming kasing makabili ng hindi lang ang mga kailangan namin, kundi ang mga gusto din namin. Kami yung mga taong ika nga nila eh katamtaman lang ang tayo sa buhay; hindi nauuna at hindi rin nahuhuli.
Sa paglago ng teknolohiya ng mundo, marami-rami na ring naimbento ang tao na magpapadali ng kanyang buhay. Pero hindi rin natin maikakaila na ang mga bagay na ito ay matatamasa lamang ng mga mayayaman. Kaya kapag nasa paligid ka ng mga taong may kakayahang makabili ng mga bagay na ito, di mo rin maiwasang mainggit; di mo rin maiwasang mangarap na sana, ikaw rin ay katulad nila na nakakatamasa ng mga bagay na ganon.
Sa katunayan, ayoko nang naiinggit. Bakit? Kasi kung tutuusin, wala naman tayong dahilan o kahit ang karapatan para mainggit sa ibang tao. Madalas kasi pakiramdam natin na mas magiging maganda ang buhay natin kung meron tayo ng kung anong meron ang iba. Pero sa totoo lang, hindi naman eh. Kasi, madalas, may ibang tao na ang pakiramdam ay mas magiging maganda ang kanilang buhay kung meron sila ng kung ano ang meron tayo.
Naisip ko lang, marami sigurong mga taga-squatter's area at lugmok sa kahirapan at pagdurusa ang matutuwa kung makukuha nila ang buhay na meron ako. Marahil pa nga na ang turing nila sa buhay ko ay buhay ng isang hari. Dahil kung ikukumpara mo sa buhay na meron sila, hindi nga maikakaila na mas kaunti ang problema mo kaysa sa kanila.
Tapos gusto mo pa ng buhay ng iba dahil pakiramdam mo lang na hindi maganda ang buhay mo.
Siguro dapat na mas pinahahalagahan natin ang kung ano ang meron tayo. Kasi madalas na wala ang iba niyan.
Kaya kung iniisip mo na marami ka nang hindi natatamasa sa buhay mo dahil lang hindi mo ma-afford ang mga ito, puwes mali ka. Dahil mas maraming ipinagkait sa mga taong mas mababa ang antas ng kabuhayan kaysa sa iyo. At least nga ikaw ang problema mo lang ay hindi mo makayang makabili ng isang i-pod. Kasi yung iba nga diyan, hindi man lang makayang makabili ng makakain para sa isang araw.
Kaya kung naiinggit ka sa iba, isipin mo na lang na kahit papaano dito sa paligsahan sa pagtakbo sa isang daan na tinwag nilang buhay, kahit hindi ikaw ang nauuna, hindi rin naman ikaw ang nahuhuli.
No comments:
Post a Comment