Ryan Magtibay
Madalas kapag may interview noong bata pa tayo o kahit hanggang ngayon tinatanong sa atin ang tila gasgas na sa masyadong pagkakagamit ang katanungang ito:
"What do you want to be when you grow up?"
Sa akin, dati, kapag may nagtanong nito, di na kami bati. Kasi ayoko ng tanong na 'to. At yun ay dahil sa hindi ko naman talaga iniisip kung ano nga ba talaga ang gusto ko maging. Kahit kelan, hindi ko pinlano ang gusto kong mangyari sa buhay ko. Kung ano lang ang dumadating, yun ang iniintindi ko. "I'll cross the bridge when I get there" ika nga. Hindi ko alam kung bakit. Sa katunayan, ngayon ko nga lang napagtanto ang bagay na 'to. At ngayon ko lang din naitanong sa sarili ko kung bakit nga ba tila hindi ko alam kung ano ba ang gusto ko maging. At eto ang nakuha kong sagot.
Matagal ko nang inamin sa sarili ko na ayoko talaga kapag may nagbabago sa buhay ko. Naiinis nga ako kapag iniiba ng nanay ko yung ayos ng mga gamit sa bahay eh. Yung tipong hindi ka sanay. Yung tipong nakakaligaw kasi may nagbago. Pero dahil "The only permanent thing in this world is change" wala din akong magagawa. Sino ba naman ako para pigilan ang panahon. Pero hangga't kaya kong hindi magbago, ginagawa ko. Yung mga nakagawian ko nang gawin, hindi ko kailanman sinubukang baguhin. Dahil ayoko nga ng may nagbabago.
Noong bata ako, mukha akong itlog – itlog na tinubuan ng katawan. Kaya dati, gusto kong malaman kung ano ang magiging itsura ko paglaki ko. Pero ngayon parang gusto kong manatili na lang ako sa ganito. Ayoko kapag may nagbabago sa hitsura ko, di dahil perpekto na ito, kundi senyales yun na tumatanda na ako. At, marahil, yun ang sagot sa tanong ko sa sarili. Ayokong tumanda.
Kung tutuusin, bata pa ako. Halos dalawang taon nga ang tanda ng mga kamag-aral ko sa akin eh. Pero pakiramdam ko, hindi ko yata napaghandaan ang pagtanda ko; isang napakalaking pagkakamali. Kasi naman, kapag bata ka, malaya ka sa lahat ng bagay. Wala kang kelangang intindihin kundi ang kung kelan mo dapat tapusin ang pag-aaaral mo para maabutan ang paboritong palabas sa T.V. Walang kahit anong pressures mula sa mundo. Walang samu’t-saring tanong tungkol sa sarili, sa ibang tao, sa buhay na tinatamasa, sa pag-ibig at sa kung anu-ano pa. Walang iniintindi. Kundi ang bagong laro sa kompyuter at kung natalo ba si Ipo Makunochi sa laban nila ni Tate. Walang pakeelam sa ibang tao. Ang pinoproblema lang sa maghapon magdamag ay ang kung mananalo nga ba ang Shohoku sa Ryonan kung wala ang coach ng Shohoku.
Ngayon ko lang napagtanto, ang sarap maging bata. Ang sarap ng walang responsibilidad. Ang sarap ng walang iniisip. Ang sarap ng malaya. Yung tipong ginagawa ang mga bagay-bagay para sa iyo. Ultimo ngang paliligo, ginagawa pa ng iba para sa iyo. Kahit sa pagkain, susubuan ka pa. Minsan, masarap din pala kapag nakadepende lang ang buhay mo sa ibang tao, kasi nakakahinga ka sa mga bagay na dala ng marupok na mundong ‘to. Akala natin mas masarap ang pakiramdam ng nakatayo sa sariling paa, pero sa katunayan, sa mga pagkakataong punong-puno ka na ng problema mula sa mundo, mas masarap na ang pakiramdam ng nakadepende sa ibang tao, para sila na ang magreresolba ng mga problema mo para sa iyo. Parang noong bata ka pa; kapag may sinapak ka, mga magulang mo ang pupunta sa principal para maki-usap.
Kahit kelan, hindi ko inasam na lumaki. Sabi ko nga sa sarili ko bago ako pumasok sa pisay, "handa na ba ako para sa High School?" Kakayanin ko kaya ang pressure? Ang sagot: HINDI PA.
Gusto ko pa ng mas mahabang taon para maging bata. Gusto ko sana na tsaka ko na lamang tatahakin ang mabato at malubak na daan patungo sa paglaki kapag handa na ako. Gusto ko kasing masulit ang bawat panahon, bawat taon ng pagtanda ko. Pero sino ba naman ako para pigilin ang oras.
Kung tutuusin, wala na din naman akong magagawa. Umangal man ako, para lang akong sanggol iniwan ng kanyang mga magulang sa basurahan at iyak na ng iyak dahil gutom na pero walang magawa dahil nasa loob nga siya ng basurahan. Gusto kong bumalik sa pagiging 8 years old pero hindi nga pwede. Di naman kasi isang pelikula ang buhay ng isang tao na pwede mong i-rewind kapag gusto mong bumalik sa dati.
Ang masasabi ko lang, mahirap ang walang plano sa buhay. Di ka rin kasi nakakasiguro sa mga dadating. Kaya magplano ka na ngayon pa lang. Sagutin ang tanong na nasa itaas at paghirapan ang pag-abot doon. Tandaan mong hindi pwedeng i-rewind ang totoong buhay.
Hindi ko alam kung paano tatapusin ang sanaysay na ito. Taliwas pa rin naman kasi ang gusto ng aking utak sa tama at dapat na gawin. Gusto ko pa ring bumalik sa isang walang pakeelam, walang iniintindi, walang mga responsibilidad na bata. Siguro, marahil, nasasakal na rin ako sa walang sawang pagdating ng mga problema at katanungan sa aking buhay.
"When I grow up, I want to be a kid, again."
No comments:
Post a Comment