4.16.2005

Sa isang sulok ng Multi-Purpose Gym sa Pisay

Ryan Magtibay

Buong klase kaming nagpunta sa Multi-Purpose Gym. At 'yon para subuking ayusin ang magiging pagtatanghal ng klase sa isang kumpetisyon na gaganapin din ditto sa may MPG. Inaayos na nga nila yun sa taas eh. Hindi ko alam kung bakit, pero halos magsampalan na ang lima kong kaklase. Masyado kasing nagpapasiklaban sa kung sino ang dapat mamuno at dapat masunod.

Dito sa Pisay, kung wala kang talento, di ka mapapansin. Meron pang mga tao na akala mo kung sinong sobrang galing na kung tingnan yung mga "hindi naman sobrang magaling" e masyadong mapanlait at mapangmata. Pero hindi naman kasi talaga dapat mahalaga kung may makakapansin sa kung sino ka. Ang mahalaga alam mo kung sino ka at hindi mo nababalewala ang mga magagandang bagay na bigay sa’yo ng Diyos.

Pero ayun nga. Dahil hindi naman nila yun maintindihan, ang limang "magagaling" ay nagtipon-tipon dun sa may isang sulok ng MPG habang ang buong klase ay naghihintay sa kanila. Maingay ang buong klase. Nakikihalo din ako sa kaguluhan. Masaya kasi ang klase namin. Lahat palaging ngumingiti.

Kaya naman pagkatapos ng isang oras na pagsisigawan ng kung anu-ano, pagjojoke at pagtatawanan, lahat kami ay napansin na kailangan na naming umuwi. Lalu na ako. Kaarawan ko ngayon. May handa sa bahay. Naghihintay pa doon sa bahay ang sorpresang regalong ayaw nilang pabuksan sa akin kaninang umaga. Hay, ano kaya ang laman noon?

Hindi na talaga ako makapaghintay kaya lumapit na ako sa kanilang lima.


"Uhmm, matagal pa ba tayo bago umuwi? Kasi..."

"Ano? Kita mo na ngang nahihirapan kaming magdesisyon ditto eh tapos mang-iistorbo ka pa," ang halos pasigaw na sinabi sa akin ng kaklase ko.

"Teka lang, ang kapal mo naman. Sasabihin ko lang sana na kailangan ko nang umuwi kasi..."

"E di umuwi ka na! Wala ka namang kahit anong talento eh! Hindi ka marunong kumanta, sumayaw o kahit ano pa na pwedeng makatulong sa pagtatanghal natin. Eh kahit nga pagtugtog ng kahit anong instrumento di mo kayang gawin eh. Kaya okay lang kung wala ka!" sabi ng isa pa sa kanila.


Wala akong nasabi. Hindi ako makapaniwala sa mga narinig ko. Wala akong talento? Ang kapal naman ng mukha ng mga 'to. Hindi man lang nila naisip na nakakasakit yung mga pinagsasasabi nila. Hindi man lang nila naisip na nakakatapyas yun ng pagkatao.

Nagmamadali kong kinuha ang bag ko at umalis. Halos patakbo akong umalis sa MPG. Nagulat nga yung iba ko pang mga kaklase sa ikinilos ko –– kung bakit bigla na lang akong umalis.
Nakayuko at mabilis ang aking paglalakad. Kitang-kita ko ang malubak na daan. Parang buhay ko, punung-puno ng lubak at kung anu-ano pa na gusto akong patumbahin at masugatan. Hindi naman mahirap mabuhay sa mundo eh, alam ko yun. Ang mahirap ay ang kung paano ang maging matatag.

Mahirap makakita ng magagandang bagay kapag puro lubak ang buhay mo. Katulad nitong daan na 'to. Pero lubak. Pero paghihirap.

Minsan ko na ring naisip na mas mabuti pa siguro kung nagging ibang tao na lang ako. Yung taong kabaligtaran ng kung ano ako ngayon. Marahil ay mas nagging maayos ang buhay ko. Pero kasi, sabi nga ng isa kong kaklase sa akin, hindi mo dapat hilingin ang buhay ng iba dahil hindi mo rin naman alam kung magugustuhan mo ba iyon o hindi. At tama siya. Pero miski na. Sa isang tulad ko na walang kuwenta, kahit anong buhay siguro magugustuhan ko.

Madalas kong napapanood sa mga pelikula na kapag namamatay na ang isang tao, mas nakikita ng mga tao ang importansiya niya sa kanilang buhay. Mas napapahalagahan nila ito. Sa mga oras na patay ka na makikita mo talaga kung gaano ka kamahal ng mga tao sa paligid mo. Kaya ng sa mga oras na ganito, sa mga oras na pakiramdam ko wala akong kuwenta, iniisip ko na magpakamatay. Kasi gusto kong malaman kung ano ang importansiya ko sa ibang tao –– kung meron nga ba talaga akong dahilan para mabuhay. Pero naiisip ko palagi na wag na lang. Hindi ko naman kasi talaga alam kung magagawa ba talagang makita ng mga namamatay na iniiyakan sila ng mga tao. Isa pa, kasalanan din sa Diyos yun.

Ang pangit naman ng kaarawan ko ngayong taon. Ang lungkot.

Alam kong nandyan na ang sundo ko. Kanina gusto ko nang umuwi, pero ngayon nagbago na ang isip ko. Parang gusto ko munang magdalumat. Gusto ko munang mawala ang kung ano man ang nararamdaman ko. Pero saan naman kaya ako pupunta kung saan pwede akong mapag-isa? Eh kung sa liblib na lugar ditto sa pisay na lang kaya. Wala naman sigurong tao dun ngayon. Sana walang nag-stroll na mag-MU ngayong mga oras na 'to para masarili ko ang lugar.

Sa liblib na lugar sa pisay. Alam mo yun. Yung nasa gilid ng ASTB. Yung kalsadang katabi ng creek. Do'n. Kung sa'n makikita mo ang kulay rosas na pader ng Office of the Ombudsman. Kung sa'n tahimik at mahangin. Kung sa’n minsan mabaho dahil sa creek. Kung sa'n bumabaha ng todo 'pag umuulan. Kung sa'n mga sasakyan lang na dumaraan ang kalaban mo sa pagiging isa. Kung sa'n paborito ng ilang mag-MU na maglakad. Do'n.

No comments: