5.14.2005

Wala ka sa nanay ko!

long overdue tribute for mother's day.. haha..

Wala ka sa nanay ko!
Ryan Magtibay

"Mammals tend to seek quality over quantity when giving birth."

Nung sinabi ito sa amin ng teacher ko sa biology, ang unang tanong na pumasok sa isip ko ay bakit? Ayon sa aking guro, simple lang. Kung marami kang anak, pero wala naman sa kanila ang mabubuhay ng matagal e di para saan pa na ipinanganak mo sila sa mundong ‘to? Kumbaga noong mga pnahon na nagsisimula pa lang mabuo ang mundo at patuloy ang evolution ng iba’t-ibang hayop, mas mabuti na talaga yung isa lang ang anak pero sigurado na mabubuhay siya ng matagal at magagawa niyang magkaanak. Mas mabisa yung panlaban sa extinction.

Ang mga tao ay mammals. Ngunit taliwas sa isinasaad sa itaas, marami sa mga kabataan ngayon ang halos wala na talagang kinabukasan. Maraming bata ang palabuy-laboy at pakalat-kalat sa kalye para mamalimos. Maraming tambay sa kanto na hindi man lang marunong bumasa o kaya’y magsulat; walang man lang edukasyon na kahit papaano sana ay makapagsasalba sa kanila sa kahirapan.

Kung tutuusin, tumataliwas pa nga ang ibang tao sa prinsipyong “quality over quantity” ng mammals. Marami sa atin, madalas ay ang mga taong lugmok sa kahirapan, ang mas gusto pa na magkaroon ng maraming anak pero hindi naman inaaalagaan ang mga ito. Mayroon pa ngang ibang tao na sampu ang anak pero wala naman kahit isa sa mga ito ang may siguradong kinabukasan dahil sa kakulangan sa nutrisyon at edukasyon. Marahil, sa mga nakararaming ito naiba ang aking ina. Dahil noong humihiling ang iba na sana yumaman sila, hinihiling niya na sana ay magkaroon ng magandang edukasyon ang kanyang mga anak.

Tandang-tanda ko pa noon nang mapaluhod ako sa asin ng aking ina noong bata pa ako. At iyon ay dahil sa hindi ko nasaulo ang ba-be-bi-bo-bu na pinapasaulo niya sa akin. Ganun kasi siya kahigpit pagdating sa pag-aaral namin. Bawal na bawal ang bumagsak noon at dapat ang grade mo pa para ma-very good ka ay 90% pataas. Marami-rami ring naimbentong parusa ang nanay ko noon. Nandyan ang habulin niya kami hanggang sa ilalim ng la mesa, ang paglipad papunta sa amin ng kung anu-anong nadadampot niya, ang paluhurin kami sa asin habang may libro sa mga kamay namin, at ang pinakamatinding parusa na pagpapalabas sa amin sa labas ng bahay tuwing hattinggabi.

Pero kung may parusa, mayroon ding mga gantimpala. At galante ang aking ina sa mga ito. Basta mataas ang grades mo, may gantimpala ka. Madalas kumakain ang buong pamilya sa isang mamahalin na restaurant noon, bilang gantimpala sa kung sinuman ang may matataas na grades. Binibilhan niya pa kami ng kung ano ang gusto namin noon.

Kaya ayan, dahil sa mga ganitmpalang ito at sa mga parusa na rin, dumating ang araw na ang pangalan naming apat na magkakapatid ay nakapaskil sa bulletin board ng aming iskuwelahan (iisa lamang ang iskuwelahan naming apat noong elementarya) bilang kasali sa honor roll. Dumating ang puntong madalas na kung umakyat sa entablado ang aking mga magulang, lalu na ang aking ina, para magsabit ng medalya sa isa sa aming apat.

Noong bata pa ako, natural lang na hindi ko talaga naiintindihan ang masyadong pagiging mahigpit ng aking ina. At dahil wala naman talaga akong magawa, nag-aaral na lang ako ng mabuti katulad ng sabi ng aking ina. Ngayon ko na lang, marahil, naipagtanto kung ano nga ba talaga ang halaga ng pagiging mahigpit ng aking ina sa aming magakakapatid noon at sa kung bakit siya nagiging mahigpit sa amin. Kasi pangarap niya iyon. Pangarap niya na mabigyan kami ng magandang edukasyon – na balang araw magiging karapat-dapat kaming magkakapatid bilang isang iskolar.

Sa kasalukuyan, ang aking nakatatandang kapatid na babae ay nag-aaral sa Unibersidad ng Pilipinas para sa kursong BS Industrial Engineering. Isa rin siya ngayong iskolar ng Department of Science and Technology at nakapagtapos din bilang isang iskolar sa Quezon City Science High School. Ang aking nakatatandang kapatid na lalaki naman ay katatapos lamang ng high school sa Quezon City Science High School ngayong taon at natanggap bilang isang iskolar ng Department of Science and Technology at ng SM Foundation para sa kolehiyo. Ang aking nakababatang kapatid naman na babae ay katatapos lamang ng elementary at natanggap bilang iskolar sa Quezon City Science High School. Samantala, ako naman ay nasa ikatlong taon na sa high school sa darating na pasukan bilang isa ring iskolar sa Philippine Science High School.

Sa pamamagitan ng aming pagiging mga iskolar, nabibigyan namin ng karangalan ang aming mga magulang at natutulungan pa namin sila sa mga gastos dahil sa wala na silang kailangan pang bayaran na tuition. Kung tutuusin, nagawa na ng aking ina ang kanyang matagal nang pinakamimithi; ang kanyang pangarap. Pero hindi pa rin siya tumitigil sa pagtatrabaho (lalu na ngayong nawalan ng trabaho ang aking ama) para maibigay lang ang aming mga pangangailangan. Sabi kasi niya wala na daw silang maipapamana sa amin kundi ang mabigyan kami ng magandang edukasyon. Kaya ayan, lahat kaming magkakapatid ngayon ay masayang nakapag-aaral sa mga iskuwelahang de kalidad ng libre. At lahat ng ito ay dahil sa isang tao na pilit kaming tinutukan at hinigpitan para lang mag-aral. Ngayon ko napagtanto na ang lahat ng iyon – ang mga gantimpala at kaparusahan – ay para sa amin, para sa aming pagtanda ay magkakaroon kami ng isang magandang buhay.

Di niya lang alam, di lang namin sinasabi, na lubusan ang pasasalamat namin sa kanya para sa lahat ng paghihirap niya. Na sa bawat luha mula sa kanyang mga mata ay karamay niya kami. Na sa bawat iyak na inilalabas ng kanyang mga bibig ay kasabay niya rin kaming umiiyak. Na mahal na mahal namin siya. Kasi ginawa niya ang prinsipyong sinabi sa itaas. Kahanga-hanga niyang nagawa ang kanyang mga tungkulin bilang isang ina. Kasi habang nasisira ang kinabukasan ng ibang kabataan, ang sa amin ay nagsisimula nang mamunga.
Siguro nga ay hindi nakakalipad ang nanay ko. Marahil ay hindi pa siya nakakasagip ng buhay ng ibang tao. Marahil, ay hindi siya tulad ng ating mga bayani na nakapagsalba na ng isang buong bansa. Pero ang kadakilaan ay hindi nasusukat sa kung ilan ang nailigtas. Ang kadakilaan ay ang pagsasakripisyo ng halos lahat ng nasa iyo para lamang magampanan mo ang iyong tungkulin. At bilang ina, nagawa ‘yon ng nanay ko. Kaya kahit hindi siya isang Darna o isang Superwoman, bilib ako sa nanay ko. Para sa aming apat na magkakapatid, siya ay isang superhero. At ‘yon ay dahil dakila siyang tunay.

"Wala ka sa nanay ko! Iskolar kaming lahat dahil sa kanya!"

No comments: