“Biology is destiny” daw.
Pero kung iisipin mo, hindi mo maaaring isigaw ang mga katagang iyan sa isang grupo ng mga tao saan man sa mundo, o kahit dito lang sa Pilipinas. Marami kasi ang hindi sasang-ayon. Marami ang magtataas ng kilay. May mga aayon, oo, at may ilan ding itatanong muna sa iyo kung ano ba ang Biology. Pero ang sigurado ko, may kahit isa lang na magagalit.
Pangungunahan na iyan marahil ng pederasyon ng mga bakla. Tiyak na tataas ang kanilang mga kilay, titilian ka gamit ang rurok ng kanilang vocal chords, at sasabihing isa kang malaking antipatika. Kung mayroon kasing mga taong nagsisilbing isang malaking halimbawa ng mga taong sumasalungat sa idinidikta ng kalikasan – ng biyolohiya – sila na yun panigurado. Para sa kanila, kung idinikta ng kalikasan na dapat ang bagay na lumalawit sa gitna ng kanilang mga binti ay para lang makapagparami ng lahi, pwes salungat sa kalikasan ang kanilang puso at damdamin. Kung sabagay, kung tama si Darwin, kalikasan na mismo ang nagbigay sa tao ng kapangyarihang mag-isip at ibahin ang kalikasang kanyang kinabibilangan. Kung ipinanganak silang lalaki, sino ka para pigiliin siyang maging bakla? Para sa kanila biology is not destiny. Lalu pa’t pinili nilang hindi makulong sa idinidikta nito.
Ang susunod na sisigaw sa iyong mga tenga ng nakaririnding pagtutol, marahil, ay ang mga estudyante, lalu na yung kinamumuhian ang asignaturang ipinipresenta mo bilang dapat ay tadhana ng isang tao. At sa ilang bahagi ng mga taon kung saan nagiging marahas ang ilang propesor dahil gusto nilang ipasaulo ang lima sa pinakamahahabang organ systems mula sa mga kabilang sa phylum Porifera hanggang sa tao, sasali rin sa mga sisigaw sa tenga mo ang ilang estudyante ng Intarmed.
At kung tutuusin, tatakas din ang isang malakas ngunit walang tunog na pagtutol mula sa puso ng ilang estudyante sa mga science high school. Kasama na rin marahil yung iba na sinasabing mas mahusay ang left hemisphere ng utak nila di hamak kaysa sa right hemisphere. Sila yung mga nakukulong sa persepsyon ng iba na dapat ang mga katulad nilang matatalino sa agham, ang maging tadhana habambuhay ay maging bahagi ng kung anumang larangan sa agham. Dahil kung hindi, sayang naman. Sila yung mga gustong kumawala sa idinikta ng kalikasan na, oo nga matalino sila, pero ang puso nila – ang bagay na natutuwa silang gawin – ay nasa larangang ibang-iba at hindi saklaw ng kung anumang kayang gawin ng left hemisphere ng utak nila. Paano kung mas mahal nila ang kanang bahagi ng kanilang utak? Di ba’t karapatan nilang tumaliwas?
Ang pagsigaw mo ring iyon, marahil, ay maka-aabot sa korte. Kakasuhan ka kasi nina Vicki Belo, Manny Calayan, at iba pang mga taong ang sinasabi sa iba’y kaya nilang palitan ang ibinigay ng kalikasan sa kanila. Maitim ka dahil sa dami ng melanin na nilalabas ng iyong melanocytes? Pango ang iyong ilong ayon sa mga genes na ipinasa sa iyo ng iyong mga magulang? Halos pumutok na ang iyong katawan sa taglay nitong taba dahil sa kasipagan ng iyong adipose cells na mag-ipon ng taba? Pwes kaya mong baliktarin ang mga iyan. Basta’t may pera ka na’y kaya mo nang baliktarin ang mga idinidikta ng kalikasan bilang iyong pisikal na kaanyuan. Kaya mo nang baguhin, kahit sandali lang, ang dapat sana’y tinadhana mong hitsura.
At marahil, isa rin ako sa mga tututol. Isa rin ako sa mga hahamon sa iba na tumutol sa isinigaw mo. Kung tama kasi si Darwin, at sa mga susunod pang taon ay hindi na siya sasalungatin ng mga bagong kaalamang maaring pumaibabaw at matuklasan, pwes nararapat ngang tumutol ang bawat tao dito sa mundo sa mga katagang ikinukulong tayo sa idinikta ng kalikasan. Kung tama si Darwin, pwes ayon sa biyolohiya, ang isang hayup ay mabubuhay para sa sarili niyang kaligtasan. Ang hayop mabubuhay kung gagawin nito ang lahat para sa sariling kapakanan. Survival of the fittest nga di ba. Ang isa para lang sa sarili niya dahil kailangan niyang maungusan ang iba nang sa gayon magpatuloy ang lahi niya. Kung tama si Darwin, hayup din tayong mga tao at nananatili ang konsepto ng natural selection kahit hanggang sa atin. Pero ako kasi, naniniwalang hindi tadhana ang biyolohiya dahil para sa akin ang buhay ng tao ay nakalaan para sa buhay ng iba. Nabubuhay ang tao para maging bahagi ng buhay ng iba. Binuhay ang tao para tulungangang payabungin ang buhay ng iba.
Idikta man ng kalikasan na tanging ang nagiisip para sa sarili lamang ang mabubuhay, ang pagsalungat marahil, ang pagsilbi sa iba at pag-alay ng sarili sa iba, ang makapagbibigay ng isang buhay na walang kapantay sa isang tao.
At dun magsisimula ang hamon. Hamon na sumalungat sa kung ano ang idinidikta ng kalikasan. Kasi kung gusto mo ang pagsalungat, kung isa ka sa mga taong rebelde o kaya paborito mo lang talagang sumalungat sa mga batas na itinatakda ng mundo at kahit ng kalikasan sa tao, ang mismong kalikasan sa ganitong pananaw ang pinakamasarap salungatin dahil sa buhay na kaya nitong ibigay sa iyo.
Dahil kung tao ka, kaya mong pumili. Kung tao ka, hindi ka magpapakasasa sa sarili mo dahil kung tama si Darwin, ang mga Homo sapiens sapiens lang ang may ganoong pananaw sa buhay.
Ang tao kasi iba. Marunong sumalungat.
No comments:
Post a Comment