*this was created a month ago? not sure.. :)
Sa tingin ko, kaya ko nagawang matutoong magsulat ay upang sa mga panahong tulad nito – kung saan ang bawat patak ng ulan ay tila mabigat na kung anong tumatapak sa iyong dibdib at nagpapabigat dito, kung saan sa di malamang dahilan ay biglang dumidilim at lumuluha na lamang ang buwan, kung saan sa malayo’y maririnig ang mahinang pagluha ng mga payaso – magagawa kong mailabas ang aking nararamdaman sa pamamagitan ng salita, ng titik, ng tunog. Kasabay marahil ng pagbigay sa akin ng kakayahang ito ang kaalamang sa maraming mga susunod na sandali’y mararamdaman ko ang ganito. At pasalamat pa nga akong sa pamamagitan nito’y magagawa ko iyong ilabas ng tahimik at di mapapansin ng iba. Pasalamat pa nga akong sa pamamagitan nito’y di ko kailangang umiyak – dahil ang mga salita ang gagawa niyon para sa akin.
Ngunit kung iwawaksi ko ba ang kakayahan ay mawawala rin ang kaakibat na kalungkutan? Kung hahayaan kong maging tanga na lamang akong muli sa paggamit ng mga salita, muli bang babalik ang mga ngiting napapawi? Muli ba akong sasaya?
Dahil kahit pa may paraan upang ito’y mawala, ang kalungkuta’y nararamdaman pa rin, kahit kaunti lamang, sa mga sandaling hindi mo pa ito naisusulat. At hindi ba iyon ang pinakamasakit? Ang maramdaman ang isang lungkot ng sandali lamang – animo’y pinaaasa kang hanggang doon na lamang ito’t di na muling mararamdaman.
O kaya naman marahil ay tanga lamang ang nagsusulat. O kaya’y ingrato sa paraang binigyan na nga ng ikasisiya, ang gusto pa’y mawala ng tuluyan ang nagpapalungkot sa kanya.