Kung isa kang karaniwang mamamayang walang bank account na halos sumabog sa dami ng laman at nakatira ka sa Quezon City pero nag-aaral ka sa Maynila, napakaliit ng pagkakataong hindi ka sumakay ng LRT 1 para tahakin ang Taft Avenue, lalu pa’t di na lingid sa kaalaman ng nakararami na ang pagsakay sa jeep o kaya bus na tumatahak sa kahabaan ng Taft upang makarating sa pupuntahan ay isang lantarang pagsigaw na gusto mo talagang ma-late. Kabilang ako sa mga taong aking inilarawan at kaya naman sanay na rin akong masabihan ng guard sa LRT ng naghuhumindik na: “Psst, alis! Don’t step on the red line!” gayong siya mismo ay naglalakad sa red line na iyon habang sinasabihan ang iba na wag iyong tapakan kahit pa napakaliit na parte lamang ng sapatos nila ang tumatama sa animo’y sagradong lugar para sa mga guard ng LRT. Kung sabagay, safety is still safety so we should abide by the rules. At hindi naman talaga ako nagrereklamo na may sumisita. Natutuwa nga ako eh. Pero hinihiling ko rin na tuwing naninita ang guard na iyon ay may tren na dumating at lumihis sa dapat nitong daanan para matamaan ang sinumang nasa red line. At para rin mahagip ang hipokritong guard.
Pero hindi naman talaga ito tungkol sa mga letseng guard. Tungkol ito sa pagiging isang malaking usisero ko sa mga taong sumasakay o nakasakay na sa tren. Siguro inuusisa din nila ako pero wala na akong pakialam dun kasi sa pag-uusisang ito ako nakapag-iisip tungkol sa mga bagay-bagay. Dito ko napapansin na may mga oras na sobrang dami ng bumababa sa Gil Puyat. Minsan, naman walang bumababa pero may nagtatangkang sumakay at hanggang pagtatangka lang talaga ang nagagawa nila dahil maaari sa dami ng tao o pwede rin namang may mabahong mamang nasa may pinto.
Siyempre, lagi ko ring inuusisa ang mga estudyanteng sumasakay sa LRT mula sa Vito Cruz. Oo, nandito ang La Salle. At oo, hindi na kaila na madaling makilala kung ang pasakay na estudyante ay lasalista o hindi. At ang una ko talagang tanong sa sarili ko ay bakit ba sila sumasakay sa LRT? Pero siguro nga hindi lahat ng lasalista ay may kotse kaya anu bang pakialam ko kung magcommute sila? Bihira rin ang napapansin kong babaeng lasalista marahil ay dahil hindi sila masyadong nagcocommute o kung anu pa man. Basta mas mapapansin mo kapag lalaki. Suot pa lang eh. At talaga namang naglalaway ako sa ganda ng suot nila (mas madalas sa sapatos nila). Lumalabas ang katiting na bahagi ng aking pagkatao na nagnanais ng mga materyal na bagay. Ewan ko ba, basta maganda yung sapatos nung lasalista nararamdaman ko na ang matinding pagkainggit. Haha. Sabayan mo pa ng astig na damit at mapormang pantalon. Parang kala mo pupunta ng isang magarbong pagdiriwang eh samantalang pumasok lang naman siya sa paaralan. At mapapaisip ka pa kung nag-uulit sila ng damit. Kaya nga halata kaagad na lasalista eh. Kasi maporma at galing Vito Cruz.
Siyempre hindi rin mawawala ang tindig mayaman at makikinis na mukha. Hindi mawawala ang pamosong buhok na naka-gel man o hindi ay halatang inaalagaan. At kung may kasama at makikipag-usap, hindi rin mawawala ang pagsasalita ng ingles o di kaya naman ng Filipino na naka-slang o kaya’y tunog mayaman. Maputi man o maitim, lagi nilang tangay ang kakaibang aura na iyon na nagsusumigaw sa mundo na: hoy, mas nakakariwasa ako sayo, kung di man tayo pantay ng katayuan! At siyempre, kung mukha pang nahaluan ng ibang lahi ang taong papasok sa LRT mula sa Vito Cruz, malamang lasalista na rin yun.
At siguro nga kaya natanggal rin kaagad sa listahan ko ng papasukang unibersidad ang la salle. At ito na rin marahil ang dahilan kung bakit kalaunan ay natanggal din sa aking listahan ang ateneo. I just never believed I would be able to keep up with the hype of buying nike shoes (really, really, really cool nike shoes) every once in a while just for wearing something in school. Eh sobrang nasanay kaya ako na t-shirt lang tapos shorts at tsinelas pwede na. At tanggapin na natin, kahit pa sabihin ng ilan na hindi mo naman talaga kailangang gawin iyon at stereotype lang yun, sa tingin ko naging bahagi na iyon ng kultura nila, lalu na sa la salle. Sa bagay, magsisimula din naman ang isang stereotype sa kulturang napapaloob sa isang lugar. Kaya kahit hindi kailangan, may pressure. Eh samantalang, ano bang pakialam nila sa suot mo, lalu na ng teacher mo at ng mga libro o handout na babasahin mo? Isa pa, mababaliw rin siguro ang bulsa ko dahil sa pangangailangang bumili ng mga bagay na lampas limangdaan palagi.
At sa mga nakita kong ito aking napagtanto na putsa, tama yung prof ko sa soc sci! Tarantado ngang talaga ang mga nagsasabing pantay-pantay ang mga tao. Nag-iilusyon pa nga eh, kung tutuusin. At yan na marahil ang kaganapan ng tanging bagay na natutunan ko sa klase namin sa soc sci (oo na, magwawala na ang ibang intarmed dahil nagawa kong may matutunan sa soc sci; di naman niya talaga ito tinuro at parte lang talaga ng mga nabasa namin mula sa mga pinabasa niya).
Ang Soc Sci 1 sa UP Manila ay Behavioral Science. Dito ipinamukha sa amin ng UP na may mga guro ngang talagang mabait naman pero sa hina ng boses at walang kahit anong kasiyahang mapipiga sa kanyang paraan ng pagtuturo, aabot ka sa puntong tulog ka na hindi mo pa alam tapos bigla ka na lang magiging na masakit na ang ulo mo o kaya nama’y naglalaway ka na. Pero wag ka, bawal matulog kaya dapat kahit tulog ka na ay nakabukas pa rin ang mata mo, nakatingin sa kanya.
Dito rin namin natutunan na sa dinami-dami ng hayop dito sa mundo, tao ang pinakamahina. Feel na feel lang talaga natin na tawagin tayong pinakamataas na uri ng hayop pero sa totoo lang, kung survival lang din ang pag-uusapan, wala naman talaga tayong panama. Wala kasi tayong natural instincts eh. Kung baga ang isang pagong, kahit mag-isang lumabas sa itlog at wala naman talagang nagtuturo sa kanya, dahil sa instincts, alam na niya kaagad kung ano ang mga bagay na dapat niyang kainin at kung anu-ano pa. Ang isang gagamba hindi kailangan ng magtuturo para malaman niya na may kakayahan siyang gumawa ng sapot at para malaman niya na ginagamit iyon para humuli ng pagkain. Yun ang wala ang tao. Kaya nga ang isang bata sinusubo kahit ano eh, kasi nagmamasid siya sa mga bagay kung nakakain ba iyon o hindi dahil hindi niya alam. Kaya’t kung walang nagtuturo, hindi niya malalaman ng isang sanggol na kapag lumunok siya ng muriatic acid eh matutunaw ang esophagus niya.
Sinong nagtuturo? Ang mga tao rin. Kaya nga dito pumapasok ang kahalagahan ng pakikipag-impo (okay fine, baka hindi niyo maintindihan, ang ibig sabihin ng pakiki-impo ay socialize o social interact) – upang maituro sa isang tao kung pano maging tao.
Teka, anong tinuturo? Yun ang isang bagay na ginawa ng tao para maihalili sa instincts na wala tayo – ang kultura. Oo, ang kultura. Madalas ngang hindi nabibigyan ng tamang halaga ang salitang ito dahil lagi na lang naiisip ng mga tao na kapag sinabing kultura, ibig sabihin mga katutubong sayaw at kung anu-ano pang katutubo. Pero para maging madali, ang kultura ang kabuuan ng mga kaugalian ng isang lipunan na gumagabay dito para mabuhay. Ganun ito kahalaga. Ito ang nagdidikta sa isang lipunan kung ano ang mga dapat gawin, kainin, at kung anu-ano pa para magpatuloy ang kaayusan at para mabuhay ang isang lipunan. Kaya nga rin iba-iba ang kultura ng mga lipunan sa iba’t-ibang bahagi ng mundo – dahil iba’t-iba rin ang nakikita ng mga taong mahalag para mabuhay sila. Kunwari dito sa Pilipinas, bahagi ng kultura natin ang maligo ng araw-araw dahil isa tayong bansang mayaman sa tubig. Pero para sa mga lugar sa disyerto, malamang ay hindi ito maging isang kaugaliang bahagi ng kanilang kultura dahil sa kawalan nila ng tubig.
At dahil sa ang kultura ng isang lipunan ang nagtataguyod dito upang manatili ang kaganapan ng lipunan, may mga bagay na sadyang mas pinapahalagahan ng isang lipunan kaysa sa ibang bagay. Katulad ng bigas dito sa ating bansa, na mas pinahahalagahan ng ating kultura. Katulad rin ng pagiging makabansa para sa iba’t-ibang lipunang bansa sa mundo. Pinapahalagahan ito ng mga kultura dahil isa itong uri ng pagiging tapat sa bansang kinabibilangan. At dahil sa mga pagpapahalagang ito kaya hindi pantay-pantay ang mga tao.
Natural para sa isang lipunan na pahalagahan pera, lalu pa’t ito ang nagdidikta ng mga kayamanang materyal na maaaring matamo ng isang tao. Isipin mo na lang kung hindi pinapahalagahan ng lipunan ang pera, magkakaroon ng malaking gulo sa kung ano o gaano karami ang dapat makuha ng isang tao. At dahil trabaho ng kultura na gawing maayos ang lipunan, kailangan nitong pahalagahan ang pera. At dahil pinapahalagahan ito, ang marami nito ay mas napapahalagahan din kaysa sa mga wala nito. Kaya kung mas may pera ka, mas may kapangyarihan, mas nakakataas ang turing sa’yo sa lipunan kaysa sa mga dukhangisang kahid isang btuka. At ito, ang simula ng di pagkakapantay-pantay ng tao, na sa totoo lang hindi naman talaga napipigilan.
Kaya nga tarantado ang nagsabing pantay-pantay ang tao dahil hindi naman talaga. Oo, dapat pantay-pantay ang mga tao dito sa mundo, anung lahi ka man o anumang katayuan mo sa buhay. Pero ang punto, hindi tayo pantay-pantay. Sira ulo ka at nahihibang kung sasabihin mo sa isang mayaman na ang karapatan o mga pribilehiyo niya ay karapatan at pribilehiyo mo rin dahil ang totoo, hindi. Hindi kayo pantay kaya ang kapal mo nun kapag sinabi mong karapatan mo rin ang karapatan niya. Marahil sa ibang mga karapatan, oo, pero hindi sa lahat. Oo, dapat karapatan mo rin iyon pero dahil na rin sa kulturang itinalaga ng tao, hindi iyon mangyayari. Hindi pwedeng maging pantay-pantay ang mga tao.
At kaya naman sa tuwing inuusisa ko ang mga lasalistang sumasakay ng LRT, naiisip kong hindi nga talaga kami pantay. Kahit sa mga pribilehiyong natatamasa, sablay na eh. Hindi pantay-pantay ang mga tao.
At kaya rin marahil parte ng curriculum namin sa Intarmed ang asignaturang nabanggit kanina. Siguro kasi, nais ding iparating sa amin ng aming kolehiyo ang puntong ito. Tarantado ang nagsabing pantay-pantay ang mga tao, pero gago ang hindi gagawa ng paraan para hilahin pataas ang mga nasa ibaba niya. Hindi naman kasi ikinukulong ng kultura ang mga tao sa kahirapan. Pwede namang hindi ka manatili, ika nga ng mga bading, na “POORita mirasol” all youre life. Hindi ka nakakulong sa isang social class pang habang buhay. Pwede kang umangat at iangat ng iba.
At yun na marahil ang pinakapunto nito: hindi nga pantay-pantay ang mga tao kaya ano pang ginagawa mo?